(NI NICK ECHEVARRIA/PHOTO BY CJ CASTILLO)
TATLONG araw bago ang Bagong Taon, personal na ininspeksyon ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge P/Lt Gen. Archie Gamboa ang mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan, nitong Sabado bilang babala sa pinalakas na kampanya laban sa mga illegal firecrackers, partikular sa mga imported na paputok.
Sa datos ng PNP, 124 na mga tindahan ng paputok at 24 na mga lisensyadong manufacturers ang matatagpuan sa lalawigan ng Bulacan, habang 65 rito ang nasa Bocaue, na kilala bilang popular na destinasyon ng mga mamimili sa panahon ng New Year season.
Sa kanyang pagbisita sa mga tindahan ng paputok, nagbabala si Gamboa na aarestuhin ang mga vendors na naghahalo ng mga imported na paputok sa kanilang mga paninda.
“Sa batas, kung local na hahawaan ng imported krimen na yun may conspiracy, “Intention ng batas ayaw natin ng imported that’s how we interpret the law” pahayag ni Gamboa sa mga reporters matapos ang isinagawang inspection.
Binigyang diin pa ni Gamboa na madali namang matukoy ang mga imported na paputok kahit ihalo ito sa mga lokal na itinitinda na gawa ng mga manufacturers sa bansa.
Pinaalalahanan din ng PNP ang mga stall owners na tiyaking may mga permit at dokumento bilang garantiya na sumusunod sila sa batas.
“With this, let me remind the manufacturers and sellers to strictly follow not to sell firecracker and pyrotechnic display to minors or those below 18 years of age,” dagdag pa ni Gamboa.
Ayon kay Gamboa, ang sinumang mahuhuli na lumabag sa Republic Act No. 7183, na nagre-regulate sap paggawa, pagbebenta, distribution at paggamit ng mga paputok ay pagmumultahin ng hanggang P30,000 at pagkakulong ng hanggang isang taon.
Hinikayat din ng opisyal ang publiko na iwasang bumili at gumamit ng mga ilegal at mapanganib na paputok ngayong Bagong Taon at tangkilikin lamang ang mga firecrackers alinsunod sa nilalaman ng Executive Order (EO) No. 28 ng Pangulong Rodrigo Duterte na naglilimita sa tamang pagbili at paggamit ng mga paputok sa bansa.
Gayunman pa man payo ni Gamboa sa publiko na huwag ng gumamit ng mga paputok sa pagsalubong sa pagpapalit ng taon sa halip ay ipagdiwang ang Bagong Taon sa mas ligtas na pamamaraan.
Samantala tiniyak naman ni Bulacan Police Provincial director P/Col. Emma Libunao na kukumpiskahin nilang lahat ang mga paninda at aarestuhin ang mga mahuhuling illegal na nagtitinda ng mga paputok at iba pang mga pyrotechnic products.
Nitong Biyernes pinangunahan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief P/BGen. Debold Sinas ang pagwasak sa P103, 575 na halaga ng mga illegal na paputok sa Quezon City.
325