(Ni FRANCIS SORIANO)
DAHIL sa sunud-sunod na isyu at pagkalusot sa mga imported waste na pumapasok sa bansa, suportado ngayon ng grupong EcoWaste Coalition ang inihain na House Bill 9207 ni Misamis Oriental Reply. Juliette Uy na naglalayon sa total ban vs imported waste.
Ayon kay Aileen Lucero, national coordinator ng EcoWaste Coalition, malaki ang maitutulong ng nasabing House Bill kung ito ay maipasa sa Mababang Kapulungan laban sa mga mapang-abusong dayuhan na ginawang dump site ang bansa.
Dagdag pa nito na hinihintay na lang nila ang desisyon ng hukuman laban sa mga basura mula South Korea kung saan nakasuhan na umano ang mga administrator ng Verdo Soko Philippines kaugnayan sa kasong paglabag sa Section 13 sa Toxic and Hazardous Waste Act o Republic Act 6969.
Kasabay nito, nananawagan din ang environmental group sa pamunuan ng Bureau of Customs (BoC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na madaliin ang pagpapabalik ng mga processed engineered fuel o mga basura mula Australia na nasa pantalan ng Tagoloan Misamis Oriental.
Matatandaan na naunang naipabalik ng DENR ang mga tone-toneladang mga basura ng bansang Canada na mahigit limang taong natengga sa pantalan na sinundan ng pagpapabalik sa basura na nagmula sa Hongkong.
119