TRABAHO SA PROBINSIYA ISINUSULONG SA SENADO

kiko23

(NI NOEL ABUEL)

ITINUTULAK ng isang senador na bigyan ng pansamantalang trabaho ang mga mahihirap na indibiduwal sa mga rural areas sa bansa.

Sa inihaing Senate Bill 776 ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, hiniling nito na  magkaroon ng Rural Employment Assistance Program (REAP) na magpapahintulot sa mga mamamayan na kumita ng hindi bababa sa 75 porsiyento ng kasalukuyang  minimum wage para sa bawat araw ng trabaho.

“Layon ng panukalang na mabigyan ang mga Pilipino ng pagkakataon para sa makatarungan at sapat na pamumuhay na tutugon sa kahirapan lalo na sa mga kanayunan,” sabi ni Pangilinan.

Sakaling maisabatas ang panukala, naniniwala ang nasabing mambabatas na makatutulong ito para mawala ang pagkakaiba ng mga nasa lungsod o bayan at kanayunan sa usapin ng pag-unlad.

Sa nagdaang tatlong taon, sinabi ni Pangilinan na ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa bansa ay nakikita sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga mahihirap.

Sinasabing ang kahirapan sa mga pamilyang Filipino ay inaasahang nasa 16.1 porsiyento sa unang bahagi ng taong 2018, na mas mababa kung ikukumpara sa tinatayang 22.2 porsiyento ng kahalintulad na panahon noong 2015.

Nabatid na sa pinakabagong Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang unemployment rate ay bumaba mula 5.5 porsiyento noong Abril 2018 ay naging  5.1 porsiyento lamang ngayong Abril 2019.

Sa kabila ng lahat aniya ng mga pagpapabuti, sinabi ni Pangilinan na ang pangkalahatang pag-unlad sa bansa ay hindi pantay sa mga rural areas.

164

Related posts

Leave a Comment