(NI ABBY MENDOZA)
LUSOT na sa House Transportation Committee ang panukalang paglikha ng Traffic Crisis Inter-Agency Management Council.
Layon ng panukala na nakapaloob sa House Resolution 353 na iniakda ni Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento na pag-isahin at i-harmonize ang mga polisiya para masolusyunan ang problema sa matinding traffic sa Metro Manila.
Sa ilalim ng panukala ay bubuo ng council na tatawaging Traffic Crisis Inter-Agency Management Council, bubuuin ito ng Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Department of Interior and Local
Government, Metro Manila Development Authority, LTFRB, LTO, at PNP-Highway Patrol Group.
Sinabi ni Metro Manila Development Authority(MMDA) General Manager Jojo Garcia na suportado ng kanilang ahensya ang panukala dahil magkakaroon ng malinaw na papel ang bawat ahensya, hindi magkakaroon ng kalituhan hindi gaya ng sistema sa kasalukuya na sa dami ng ordinansang ipinatutupad sa labing-anim na lungsod sa Metro Manila ay hindi na nagtutugma.
“Ang isang putahe madaming nagluluto gugulo, magugulo ang lasa. Kasi nga bawat kusinero may kani-kanyang taste yan, alat, tamis, anghang. Kung sampu ang chef mo, isa lang ang putahe mo magulo ang lasa niyan. Kaya kailangan, mayroong pagkakaisa, kumbaga may head chef. Yun yung analogy natin, kahit saang bagay hindi lang sa traffic, kahit saan yan, mas madami, mas magulo kung lahat timon,”paliwanag ni Garcia.
Sa pamamagitan ng bubuuing council ay mas magiging malinaw at organisado umano ang mandato ng bawat concerned agency.
Para naman kay Capiz Rep Fredenil Castro mas pabor sya na bigyan ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagresolba sa trapik dahil kahit ang bubuuing council ay hindi umano mareresolba ang trapiko sa dami nga ahensyang hahawak at mamumuno.
172