(NI ROSE PULGAR)
IPINAG-UTOS ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na lagyan ng Ingles o Filipino translation ang label ng mga dayuhang produkto sa merkado, partikular sa supermarket sa bansa.
Sa oras na hindi sumunod, babala ng DTI, papatawan ng parusa ng P1,000 hanggang P300,000 multa habang sa ikatlong paglabag naman ay maaaring ipasara ang establisimiyento dahil sa paglabag.
Paglilinaw ng DTI, dati nang may utos ang Food and Drug Administration (FDA) na dapat may pagsasalin sa English o Filipino sa pakete ng mga imported na produkto upang maintindihan ng mga consumer.
Bukod rito, inaatasan din ang mga negosyante ng mga restaurant at department store na magkaroon ng kaparehong pagsasalin sa label ng produkto.
Kabilang sa naturang kautusan ng DTI para sa lahat ng signages, billboards, advertisements, labels, price tags, menu, resibo at marketing materials ng negosyong dayuhan ang produkto o serbisyo.
Inihayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na hindi aniya patas sa mga consumer kung hindi maiintidihan ang nasa label ng mga produkto o serbisyo.
Magugunitang sinita ng DTI ang ang ilang Chinese restaurant sa Las Piñas City dahil walang English translation ang kanilang signages at menu nitong Mayo.
Ayon pa kay Usec. Castelo, saklaw ng FDA ang mga imported na pagkain at gamot habang ang mga establisimiyento o restaurant naman ang hawak ng DTI.
163