TRUCKERS, TNVS, TRIKE SASAMA SA TIGIL-PASADA

HINDI lang mga jeepney at UV express drivers at operators ang lalahok sa malawakang tigil-pasada ngayong araw kundi maging ang mga trucker, Technology- and app-based transport network vehicle service (TNVS) at maging mga tricycle driver.

Sa huling pagtaya, inaasahang mahigit 100,000 jeepney at UV Express drivers at operators ang lalahok sa isang linggong transport strike.

Ayon kay Manibela National President Mar Valbuena, nagpahayag na rin ng suporta sa gagawin nilang tigil-pasada ang PISTON at ilang grupo ng mga trucker, TNVS at tricycle drivers.

Kasabay nito, muling iginiit ni Valbuena na hindi sila tutol sa PUV modernization program.

Katunayan aniya, ilan sa kanilang miyembro ang sumusunod sa requirements nito.

Gayunman, dapat aniyang maunawaan ng pamahalaan na marami ang nahihirapan dahil hindi naman lahat ay kumikita nang malaki at nauunawaan ang programa.

“Hindi naman po lahat ito, tutol na tutol dun sa pagbabago. Kailangan lang po maipaliwanag doon sa mga kasamahan natin. Kahit ako, hirap ipaliwanag sa kanila kasi kailangan mo talaga silang puntahan o sila ang papuntahin mo sa iyo para maliwanagan sila,” saad ng transport leader.

“Dapat magkaroon po yung LTFRB ng… napakalaki po nitong programa. Ang usapin dito, kung mawawala ba o mananatili? Kung mananatili, gaano ba kalaki yung kaakibat na gastos?”

“Hindi naman lahat ay may kakayanan. Kaya nga po nakikita natin, merong hindi maipagawa yung unit kasi hindi naman po lahat ng ruta malakas, hindi lahat ng ruta profitable, hindi lahat ng ruta, viable,” dagdag ni Valbuena sa isang panayam sa radyo.

Bukas aniya sila sa pakikipagdayalogo sa Department of Transportation (DOTr) pero dapat maging sinsero ang mga ito.

Asset prepositioning

Kaugnay nito, inulit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naghahanda na ito para sa planong transport group strike ngayong Lunes.

Sa katunayan, naghahanda na ang inter-agency team ng contingencies para pagaanin ang epekto ng nasabing transport strike.

Ang Pangulo, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary, ay inorganisa ang Inter-Agency Monitoring Team bilang paghahanda sa transport group strike mula ngayong araw.

Sa idinaos na press briefing sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metrobase sa Makati City, sinabi ni MMDA acting head Romando Artes, na ang MMDA, kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan ay nagpulong nitong Linggo, Marso 5 para isapinal ang “emergency plans, prepositioning ng assets at i-identify ang transport routes” na maaapektuhan ng strike.

Sinabi ni Artes na ia-assess ng MMDA ang sitwasyon sa ground at magdedesisyon kung sususpendihin ang number coding scheme sa araw ng transport group strike upang sa gayon ay hindi makasagabal sa turn-around time ng public transportation.

Sinabi naman ni MMDA General Manager Procopio Lipana, pinuno ng Inter-Agency Monitoring Team secretariat, na ang lahat ng concerned government agencies ay nakahanda, umapela rin ito sa mga sasali sa strike na huwag nang ituloy ang kanilang protesta.

“We also warn them especially ‘yung mga magsasamantala kaya may Oplan Isnabero ‘yung ating LTFRB [Land Transportation Franchising and Regulatory Board] at saka ‘yung mga mag-o-overcharge sa mga pasahero kung makakaroon man ng transport strike,” ayon kay Lipana.

“Again, we will ensure that there will be a maximum deployment including the NCRPO [National Capital Region Police Office] dito sa napipintong transport strike,” dagdag na wika ni Lipana.

Maglalagay naman ang MMDA ng command center sa Metrobase nito para i- monitor ang sitwasyon sa mga pangunahing lansangan sa NCR sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na mag-a-assess naman sa sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng Kalakhang Maynila.

Magpapakalat din ang MMDA ng 25 behikulo na kayang mag-accommodate ng 1,200 pasahero at mahigit sa 2,000 traffic enforcers na haharap sa posibleng gulo dahil sa transport strike.

Sa kabilang dako, inanunsyo naman ng Philippine National Police (PNP) na magde-deploy ito ng 60 sasakyan na maaaring sakyan ng mga maaapektuhan ng strike at pakikilusin ang malaking bilang ng mga personnel para sa crowd disturbance management at maging iyong mga nagsisilbi bilang reactionary support force.

Ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP), sa tulong ng PNP, ay magde-deploy ng mahigit 100 personnel at 30 behikulo.

Ang DILG, bahagi rin ng monitoring team, tutulong na i-monitor ang local government units, partikular na ang “inner routes” sa Kalakhang Maynila.

Sa naging commitment naman ng ilang transport organizations, sinabi ng LTFRB na may 94% ng jeepney drivers ang nagpahayag na hindi sasali sa transport group strike.

Noong Miyerkoles, sinabi ni Pangulong Marcos na bagaman kailangan na ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) subalit ang implementasyon nito ay kailangan ng mas marami pang pag-uusap kasama ang stakeholders, partikular na ang jeepney drivers groups. (CHRISTIAN DALE)

236

Related posts

Leave a Comment