(NI BERNARD TAGUINOD)
INAPRUBAHAN na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magkaroon ng special trust funds ang bawat batang inabandona, pinabayaan o kaya ibinigay ng kanilang mga magulang sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Walang tumutol nang isalang sa botohan sa House committee on the Welfare of Children na pimumunuan ni Tingog party-list Rep. Yedda Marie Kittilstvedt Romualdez ang nasabing panukala na inakada ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Base sa nasabing panukala, magkakaroon ng P50,000 ang bawat batang pinapabayaan ng kanilang mga magulang at napunta sa pangangalaga ng DSWD at maging ang mga ipinaampon ng nasabing ahensya sa mga tao.
Bawat bata na nasa pangangalaga ng DSWD ay ipagbubukas ng ahensya ng trust fund kung saan dedepositohan ito ng P12,500 kada tatlong buwan hanggang sa mabuo ang P50,000.
“These neglected children need all the support from the State even after they leave the comfort of DSWD facilities so they can reach their fullest potential as productive adults,” ani Romualdez.
Layon ng nasabing trust na may magamit ang mga bata pag-alis ng mga ito sa DSWD sa edad na 18 anyos tulad ng pag-aaral, panibagong buhay at iba pa nilang pangangailangan.
151