Tulad ng ABS-CBN, expired na rin ang lisensya LEGALIDAD NG SKY CABLE MAUUNGKAT

MAY tulog ang Sky Cable kapag nakuwestiyon ito sa Korte Suprema dahil tulad ng kanilang mother company na ABS-CBN ay napaso na ang prangkisa ng mga ito noong Marso 2020.

Tinangka umano ng Lopez group na ipa-renew ang kanilang prangkisa sa pamamagitan ni North Cotabato Rep. Jose “Pingping” Tejada noong July 30, 2019 subalit hindi ito pinansin ng House committee on legislative franchise na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez.

Subalit bago ang House Bill (BH) 3121 na inakda ni Tejada ay naghain ng kahalintulad na panukala si dating Quirino Rep. Dakila Carlo Cua noong September 26, 2018 sa pamamagitan ng HB 8299.

Layon ng dalawang nabanggit na panukala na i-renew ang prangkisa ng Sky Cable na pag-aari ng mga Lopez dahil nakatakdang mapaso ang Republic Act (RA) 7969 o Sky Cable Franchise ng Marso 30, 2020.

Halos kasabay ng RA 7969 (sky Cable franchise) ang RA 7966 o ang prangkisa naman ng ABS-CBN na pinagtibay at naging batas noong Marso 30, 1995 na kapwa napaso.

Dahil dito, ipinapalagay ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na ilegal ang operasyon ng Sky Cable kung saan inilipat ang mga dating programa ng ABS-CBN nang magsara ang mga ito matapos isyuhan ng Cease and Desist Oder (CDO) ng National Telecommunications Commission (NTC) noong Mayo 5, 2020.

Sa HB 8299 na inakda ni Cua na ngayon ay gobernador na ng lalawigan ng Quirino, sinabi doon na nag-apply ng permit to operate ang Sky Cable sa NTC kahit umiiral pa ang kanilang prangkisa.

Hindi kinilala ni Marcoleta ang ibinigay na otoridad ng NTC sa Sky Cable na mag-operate gamit ang Executive Order (EO) na inisyu ni dating Pangulong Corazon Aguino noong 1987 na nagpapahintulot sa mga “cable antenna television” na mag-operate kahit walang prangkisa basta bigyan sila ng permit to operate ng NTC.

“Ibig sabihin po, ang ginamit nilang authority ay yung prangkisang nakuha nila sa Congress, which expired last March 30, 2020,” ani Marcoleta, at hindi aniya ito puwedeng palitan ng isang NTC permit lamang.

Maliban dito, nawalang saysay aniya ang EO ni Aquino nang mag-apply ang Sky Cable ng kanilang hiwalay na prangkisa kaya para sa mambabatas ay ilegal ang operasyon ng cable network ng ABS-CBN.

Muling ipagpapatuloy ngayong hapon ng franchise committee at committee on good government ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN at isa sa mga inaasahang tatalakayin ay ang pagbebenta umano ng mga ito ng Philippine Depository Receipts (PDRs) sa mga dayuhan. BERNARD TAGUINOD

82

Related posts

Leave a Comment