Tumatagay ng alak sa virtual hybrid session PCOO-APO OFFICIAL KINASTIGO SA SENADO

0

BINALAAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang opisyal ng APO Production Unit Inc., sa ilalim ng Presidential Communications Operations Offices (PCOO) matapos matuklasan na tumatagay ito habang dumadalo sa virtual hybrid session nitong Lunes hinggil sa deliberasyon ng badyet.

Sa pahayag, binalaan ni Gatchalian si Dominic Tajon, sales and marketing manager ng APO Production Unit Inc., nang kumpirmahin ng Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA) ang kanyang pag-inom ng alak habang nasa sesyon.

Ayon kay Gatchalian, dapat sundin ng lahat ng civil servants ang itinakda ng batas hinggil sa ethical standards upang hindi masampahan ng kasong administratibo at pagdidisiplina sa sinomang susuway rito.

“Mahigpit ang tagubilin ng Civil Service Commission sa pagbabawal sa pag-inom (ng alak) ng mga empleyado ng gobyerno sa opisina lalo na sa oras ng trabaho. May kaukulang parusa ito na suspensyon o pagkatanggal sa serbisyo sa ikalawang beses na pagkakamali,” ani Gatchalian.

Sa gitna ng plenary debates, tinawag ni Gatchalian ang atensyon ni Tajon dahil sa napansin niyang “improper behavior” ng opisyal at pinaalalahanan na nasa official duty siya habang dumadalo sa hybrid session.

Napansin ni Gatchalian ang video ni Tajon na hindi ito mapirmi sa kanyang kinalalagyan na nakagagambala sa ibang senador na nasa plenary session. Bilang Presiding Officer noong oras na iyun, pinagsabihan ng senador si Tajon na sumunod sa naaayon na virtual etiquette.

Sa puntong ito, sinabi ni Minority Leader Franklin Drilon na nakitang umiinom ng alak si Tajon batay sa impormasyong ipinarating sa kanya na kinumpirma naman ng Senate Sergeant-at-Arms.

Kaugnay nito, humingi ng paumanhin ang PCOO sa Senado.

Binasa ni Senador Richard Gordon ang sulat ni Communications Secretary Martin Andanar kung saan sinabi nito na iniimbestigahan na nila ang insidente.

“Our apologies to the Senate. In this juncture, we reflect our sincere assurance that any such behavior that shows discourtesy will never be deliberately observed by any of our personnel in any situation as it is detrimental to PCOO, its attached agencies, our core values and government partners,” ayon kay Andanar.

“Any lapse in appropriate conduct will never be condoned as we in the PCOO and our attached agencies are committed to the highest standards of professionalism in all instances,” ayon pa rin sa PCOO statement. (ESTONG REYES/CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment