UMENTO SA MGA GURO ISUSULONG

teachers12

(NI CHERK BALAGTAS)

ISINULONG ni Navotas lone district Representative John Reynald Tiangco ang pagtaas ng minimum salary at pagbibigay ng karagdagang incentives sa mga teaching at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan.

Sa House Bill 877, pinatataasan ni Tiangco sa salary grade (SG) 15 o P30,531 ang sweldo ng entry level licensed teacher at SG 10 o P19,233 sa non-teaching personnel.

Iminungkahi rin ng bagitong mambabatas na kapwa sila bigyan ng buwanang P5,000 augmentation pay, taunang P10,000 medical allowance, at libreng tuition at registration fees sa kaugnay na graduate courses o continuing education program sa lahat ng state colleges at universities.

“Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga guro sa paghasa ng isip ng ating mga bata, at sa paghubog ng kanilang karakter at pagmamahal sa bayan. Nararapat lamang na bigyan sila ng karampatang kompensasyon,” ayon kay Tiangco.

“Maibigay ang paggalang na nararapat sa mga guro, mahikayat silang ipagpatuloy ang mahusay na paglilingkod, maitaas ang antas ng kanilang buhay, at maengganyo ang magagaling at matatalinong Pilipino na pumasok sa propesyon ng pagtuturo,” dagdag pa nito.

Kasama sa House Bill 877 ang lahat ng teaching at non-teaching personnel sa lahat ng pampublikong paaralan para sa basic education, ito man ay pinondohan ng nasyonal o lokal na pamahalaan,  pati na ang mga nagtatrabaho sa Philippine Science High School System (PSHS).

Kabilang din dito ang teaching at non-teaching staff ng Alternative Learning System (ALS), at lahat ng non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) na walang posisyon na may SG 20 o mataas pa. Nitong January 2019, ang entry level licensed teacher ay sumusweldo lamang ng P20,754 bawat buwan at ang non-teaching support personnel ay nakatatanggap ng P11,068 bawat buwan.

 

517

Related posts

Leave a Comment