KINUMPIRMA ng Department of Health na positibong may kaso na ng 2019 novel coronavirus sa bansa.
Sa press conference, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, isang 28- anyos na babaeng Chinese mula sa Wuhan, China ang kumpirmadong may dala ng virus sa bansa na dumating sa Maynila noong Enero 21 mula sa Hong Kong.
Ang pasyente, na nagpa-check up noong Enero 25 matapos makaranas ng pag-ubo, ay nilalapatan ng lunas sa isang pampublikong pagamutan.
Nakumpirma na positibong infected ng N-CoV ang babaeng Chinese matapos maisagawa ang laboratory test sa Australia.
Kasabay nang pagkumpirma na positibo ang nasabing kaso, sinabi naman ni Duque na patuloy ang pagkilos ng DOH upang garantiyahan ang publiko na ang lahat ng “necessary precautionary measures” ay kanilang isinasagawa upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sinasabing ang nasabing virus ay naunang kumitil ng 170 katao sa bansang pnagnulan nito, at umaabot na sa 8,000 ang apektado mula sa iba’t ibang bansa sa Asian, Europe, North America at Middle East.
Ang mga sintomas ng nasbaing virus ay kinabibilangan ng lagnat, ubo, kakapusan at hirap sa paghinga. RENE CRISOSTOMO
PATOTOO NG MGA PASAHERO, MAS MAHUSAY ANG SERBISYO SA LRT LINE-1
MALAKI na ang ipinagbago ng serbisyo ng LRT Line 1 sa nakalipas na taon.
Ito ang naging obserbasyon ng mga mananakay ng 20.7 kilometer LRT Line 1, ang kauna-unahang elevated commuter train na may 20 stations na bumabagtas mula Munoz sa Quezon City hanggang Baclaran at may regular daily passenger na 500,000.
Ayon kay Jinkee Evangelista, estudyante ng De La Salle University sa Taft Ave, kung dati ay mas ninanais niyang magdala ng sasakyan dahil pahirapan ang pagsakay sa LRT, ngayon ay mas ‘manageable’ na kung magte-train siya kaysa mag-drive.
“Iiwasan mo lang talaga ‘yung peak hour kasi talagang ang daming pasahero, pero mas marami na ngayong skip train kaya higit na maginhawa na talagang mag-LRT,”pahayag ni Evangelista.
Natutuwa rin si Reynaldo Guevara na araw-araw sumasakay sa LRT patungo sa kanyang trabaho sa UN Ave. Ayon sa kanya, kung dati ay nale-late siya sa trabaho dahil 3 hanggang 4 na tren ang kanyang pinalalagpas bago makasakay, sa ngayon ay sa unang tren pa lamang ay nakakasakay na siya.
“Sa bilis at on time na pagdating ng mga tren ay hindi napupuno ng pasahero sa mga station platforms kaya nakakasakay agad,” aniya.
Partikular na nakita naman ni Aling Remedios Vasquez ang concern ng mga security guard na nagmamando sa mga istasyon. Aniya, maayos ang sistema sa pagpapasakay sa senior citizens sa LRT kaysa nang minsan siyang sumakay sa MRT.
Hindi naman naiwasan ni Christine Suarez,24 anyos, empleyado sa Pasay City, na ihalimbawa ang karanasan niya sa pagsakay sa LRT at MRT. Aniya, naaaawa siya sa kanyang sarilli tuwing sasakay ng MRT.
“Awang- awa talaga ako sa aking sarili kapag sasakay na ako ng MRT, parang… ano ba ito, ang hopeless naman ng mga Filipino, parang lagi kang sasabak sa giyera, napakahaba ng pila, makikipagbalyahan ka makapasok lang ng tren, sa loob ay halos hindi ka na makagalaw, mababasa ka ng tumutulong aircon, malas mo pa ‘pag naabutan ka ng sira ng tren dahil pabababain ka sa gitna ng tracks o maghihintay ka sa loob na sobrang init.”
Aniya, mas malapit sa kanilang bahay sa Quezon Ave kung MRT ang kanyang sasakyan patungong Pasay ngunit kalbaryo naman ang kanyang mararanasan kaya mas pinipili niya na gumastos na lang ng dagdag pamasahe para magtungo sa LRT Roosevelt Station at doon na sumakay.
“Nagtataka ako kung bakit umayos na ang serbisyo sa LRT Line 1, saka ko nalaman sa mga katrabaho ko na privatized na pala ito, sana all,” dagdag pa niya.
Taong 2015 nang i-turnovet ng Light Rail Transit Authority(LRTA) at Department of Trasportation(DoTr) sa Light Rail Manila Corporation(LRMC), ang venture company ng Ayala Corp., Macquarie Infrastructure Holdings at Metro Pacific Investments Corp. ang operasyon at maintenance ng LRT Line 1 sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program ng Aquino administration.
Mula nang i-takeover ng LRMC ang LRT Line 1 ay nakapagpatupad na ito ng ilang measures para sa ikaaayos ng serbisyo nito, mula 77 na tren ay mayroon nang 112 tren at mula 478 na biyahe kada araw ay naging 554 daily trips at ang headway o waiting time ay umaaabot na lamang sa 3.5 minuto mula sa dating 6 hanggang 8 minuto, gayundin ay mas pinahaba ang operating hours.
Sinabi ni LRMC President Juan Alfonso na mula 2015 ay nasa P8.7-B na ang nailaan ng kompanya para sa rehabilitasyon at pagpapaganda ng serbisyo ng LRT Line 1, kasama rito ang maayos na tren, pagpapaganda ng mga station at pagpalit sa nasirang rail tracks kaya mas ligtas at mas maayos na ang takbo ng mga tren.
Ngayong Nobyembre 2020 ay target ng LRMC na matapos ang kanilang bagong signaling system kung saan makatitiyak ang mga pasahero na on time palagi ang dating ng mga tren at ang waiting time o headway ay aabutin na lamang ng 2.5 minuto.
Sa taong 2021 ay inaasahang 700,000 hanggang 800,000 pasahero na ang maseserbisyuhan ng LRT Line 1 sa oras na matapos ng LRMC ang LRT 1 Extension patungong Cavite kung saan walong bagong stations ang madaragdag, kabilang ang Redemptorist, NAIA Avenue, Asia World, Ninoy Aquino, Dr. Santos, Las Pinas, Zapote at Niog sa Cavite.
Mula isa at kalahating oras ay 30 minuto na lamang ang magiging biyahe patungong Cavite.
FOUNDATION GAMIT SA HUMAN TRAFFICKING, $20-M ‘ILLEGAL FUNDS’; QUIBOLOY CHURCH NI-RAID
KASASAMPA pa lamang ng tatlong kasong kriminal laban kay Pastor Apollo Quiboloy, ngunit kakaharapin ng tinaguriang “appointed son of God” ang mga kasong “human trafficking,” “illegal fund raising” at pekeng kasal ng 82 mag-asawa sa Estados Unidos.
Ilang linggo na ang nakalipas, inilabas ng Saksi Ngayon ang mga kasong “rape,” “human trafficking” at “child abuse” na isinampa laban kay Quiboloy sa National Prosecution Service Office sa Davao City.
Kamakalawa, lumabas sa mga balita na sinalakay ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang Kingdom of Jesus Christ sa Los Angeles, California, USA, at inaresto ang tatlong opisyales na namamahala ng nasabing simbahan.
Nabatid na patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng FBI upang makapangalap ng malakas at matibay na ebidensiya kaugnay sa reklamong human trafficking laban sa nasabing sekta.
Idineklara ni Quiboloy na siya ang “appointed son of God” na kanyang idiniin sa kanyang mga opisyal at kasapi sa kanyang Kingdom of Jesus Christ na nakabase sa Davao subalit may tanggapan sa Metro Manila na nangangasiwa ng mga negosyo ni Quiboloy, kabilang na ang Sonshine Media Network International o Swara Sug Media Corporation.
Ibinunyag nga mga biktima sa FBI na hindi raw sila makaalis sa Kingdom of Church sa LA dahil hawak ng mga opisyales nito ang kanilang pasaporte.
Sinabi pa ng mga biktima, , inuutusan sila ng pamunuan ng nasabing simbahan na magtungo sa iba’t ibang bahagi ng Amerika upang manghingi o mamalimos upang makakuha ng maraming pera na ilalaan sa The Children’s Joy Foundation, non-governmental-organization ng simbahan ni Quiboloy.
Ayon pa sa mga biktima, kapag hindi nila nabubuo ang perang dapat makolekta ay pinapaparusahan sila kabilang na ang pang-aabuso sa kanilang katawan.
Ang isa pang matinding nadiskubre ng FBI ay ang “fundraising” ng simbahan ni Quiboloy na umabot na sa 20 million US dollar mula 2014 hanggang sa kalagitnaan ng 2019 gamit ang “street level solicitation” ng mga kasapi nito.
Labag sa batas ng Amerika na mangulekta ng pera sa ilegal na paraan o gumagamit ng pekeng layunin.
Nabatid pa ng FBI na umabot sa 82 pekeng kasal ang naisagawa ng kontrobersyal na simbahan sa loob ng 20 taon kung saan kabilang ang aktibidad sa pinagkukunan nila ng salapi. NELSON BADILLA
MALAKANYANG BINALAAN NG SOLON SA WATER CONCESSION; TAUMBAYAN MAMUMULUBI SA VILLAR TAKEOVER
NAGBABALA ang grupong Gabriela sa Malacanang na huwag tangkaing ibigay sa kumpanya ni dating Senate President Manny Villar ang pangangasiwa sa water distribution service sa Metro Manila kung nais ng mga ito na hindi magmahal ang presyo ng tubig at umayos ang serbisyo.
Ginawa ni Rep. Arlene Brosas ang nasabing babala dahil hindi pa rin maaalis sa mga pangamba ng mga ito na ipasa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Villar ang water concession agreement dahil pumasok na ito sa water industry.
Si Villar ang may-ari sa Prime Water at hawak na ang water distribution service sa iba’t ibang panig ng bansa tulad sa Marilao, Bulacan; Tayabas, Quezon; Bacolod City, Negros Occidental at Zamboanga City.
“We warn Malacanang against using the public’s dissatisfaction under the privatized water services courtesy of Maynilad and Manila Water to comfortably sneak in Villar’s PrimeWater as the new water concessionaire,” ayon kay Brosas.
“Instead, the government should restore the water services across the country to full public control.”
Hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas ng Palasyo ang bagong water concession agreement na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggapin sa ayaw at sa gusto ng Manila Water nap ag-aari ni Manny V. Pangilinan at Maynilad, nap ag-aari naman ng mga Ayala, dahil kung hindi ay babawiin na sa mga ito ang kontrata.
Dahil dito, hindi inaalis ni Brosas ang posibilidad na kapag tuluyang umatras ang Maynilad at Manila Water ay ipapasalo kay Villar ang water service distribution dahil kabilang ito sa mga malalapit kay Duterte.
Idinagdag ni Brosas, dapat matuto ang gobyerno sa karanasan ng mga taga-Bulacan, Quezon province, Balocod City at sa Zamboanga at iba pang lugar na hawak ng Prime Water na lalong lumala ang pangit na serbisyo at tumaas pa ang singil sa tubig. BERNARD TAGUINOD
10-B US EXPORT MADIDISKARIL
POSIBLENG madiskaril ang $10 bilyong halaga ng export ng Pilipinas sa Amerika kung magpapatuloy ang pagbanat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa US government, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Sinabi ni Lacson na magkakaroon ng “adverse consequences” sa ekonomiya ng bansa ang ipinataw na indefinite travel ban sa lahat ng miyembro ng Gabinete ni Duterte.
“An indefinite travel ban to the United States imposed on all members of the Cabinet could have adverse consequences on our country’s economy and security, not to mention the many employed Filipino immigrants there, especially if the US retaliates to the recent tirades of President Duterte,” paliwanag ni Lacson.
Aniya, umaabot sa halagang $10 bilyon ang inaangkat ng Amerika sa Pilipinas bukod pa sa naibibigay ng tulong ng Washington bilang suporta sa militar at ayuda sa buong Asia-Pacific region.
Kamakailan, nagbanta si Pangulong Duterte na kanyang kakanselahin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng US at Pilipinas kapag hindi binigyan ng US visa si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nakatakdang magpulong naman ang Senado sa pangunguna ni Senate President Vicente Sotto III upang pag-usapan ang magiging posisyon ng mataas ng kapulungan hinggil sa pagbawi sa VFA at iba pang isyu sa US. ESTONG REYES
209