US MISSILE SYSTEM NG KANO SA PINAS BABAKLASIN NA

MATAPOS mabulabog ang sambayanan sa pahayag ni Senador Imee Marcos hinggil sa plano umano ng China na pag-umang ng kanilang hypersonic missiles sa ilang target areas sa Pilipinas partikular sa ilang Enhanced Defense Cooperative Agreement (EDCA) site, inihayag ng Philippine Army na aalisin na ng Amerika ang mga ipinasok na missile system sa bansa.

Nabatid na posibleng sa buwan ng Setyembre ay tuluyan nang ibalik ng Estados Unidos ang missile system na unang dinala sa Pilipinas noong buwan ng Abril, 2024 para sa Balikatan joint military exercises.

Sa panayam ng media kay Army Spox, Col. Louie Dema-ala ay sinabi nitong ibabalik na sa US ang ipinasok na Typhoon Weapon System nitong nakalipas na Balikatan war games.

Ang naturang missile system ay may kakayahang magpalipad ng SM-6 anti-aircraft missiles na may operational range na 240 km at Tomahawk Land Attack missiles na may operational range na 2,500km.

Lubhang ikinairita ng China ang pag-deploy ng Amerika ng kanilang mid-range missile system para sa taunang joint Balikatan Exercise na gagamitin para sa ‘simulated firing’ drill sa Pilipinas.

Nilinaw ni Dema-ala na tinuruan lamang ng Amerika ang mga sundalong Pinoy sa paggamit ng Typhon missile system, subalit hindi ito ginamit sa live-fire exercises.

Ayon kay Colonel Louie Dema-ala, “As per plan… it will be shipped out of the country in September or even earlier.”

Paliwanag pa ng tagapagsalita ng hukbo “The US Army is currently shipping out their equipment that we used during Balikatan and Salaknib (exercises).”

Hindi itinanggi o kinumpirma ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine kung may katotohanan ang inilabas na pahayag ni Marcos hinggil sa mga posibleng nakaumang na hypersonic missiles ng China sa ilang target areas sa Pilipinas.

Samantala, minaliit ng National Security Council (NSC) ang sinabi ni Marcos kaugnay ng hypersonic missiles umano ng China.

Ang katwiran ng NSC, wala silang nakikitang ” threat of any imminent attack” mula sa Tsina.

“We will reach out to Senator Imee to get more information about her statement because we are not aware of any of the security threats she mentioned,” ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya.

Ani Malaya, muling pinagtibay ng Pilipinas at Tsina ang kanilang commitment na “deescalating tensions in the West (Philippine) Sea” sa isinagawang 9th Bilateral Consultation Meeting nito lamang Martes. (JESSE KABEL RUIZ/CHRISTIAN DALE)

40

Related posts

Leave a Comment