(NI BETH JULIAN)
PINAWI ng Malacanang ang mga agam-agam sa relasyon ng Pilipinas at ng Amerika.
Sa harap ito ng napipintong pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China sa Abril habang patuloy namang nakabitin ang tugon nito sa imbitasyon sa kanya ng gobyerno ng Estados Unidos.
Pagtiyak ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo, nananatiling mainit at maganda ang samahan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Panelo, ang tanging dahilan lang naman kung bakit patuloy na tumatanggi si Duterte na magtungo sa Amerika ay ang malamig na temperatura o klima doon.
Sinabi ni Panelo na hindi matagalan ng Pangulo ang lamig sa Amerika dahil nagkakasakit ito.
Ayon pa kay Panelo sa muling pagbisita ng Pangulo sa China sa Abril ay posibleng matuloy ang pagtalakay sa mga usapin na may kinalaman sa kalakalan, seguridad at iba pang mutual interest ng dalawang bansa.
Kapag natuloy sa China, ito na ang ikaapat na beses na pagbisita ng Pangulo sa nasabing bansa.
302