UTOS NG QC COURT TRILLANES, 9 PA ARESTUHIN

INIUTOS na ng Quezon City Metropolitan Trial Court (MeTC) ang pagdakip kay dating senator Antonio Trillanes IV at ang mga kapwa nito akusado sa kasong conspiracy to commit sedition kaugnay ng viral video na “Ang Totoong Narcolist” na nagsasangkot sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng ilegal na droga.

Bukod kay Trillanes, may ipinalabas na ring warrant of arrest si QCMeTC Branch 138 Judge Kristine Grace Suarez laban kina Peter Joemel “Bikoy” Advincula, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Albert Alejo, Boom Enriquez, Yoly Ong-Villanueva, Jonnell Sanggalang, JM Saracho, Eduardo Acierto, Vicente Romano at isang “Monique.”

Itinakda sa P10,000 ang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga akusado.

Nag-ugat ang kaso sa alegasyon ni Advincula na nagplano ang oposisyon na siraan ang administrasyong Duterte sa pamamagitan ng pag-uugnay sa punong ehekutibo at sa kanyang pamilya sa illegal drug trade. Bahagi umano ng anti-Duterte plot ang mga video ni alyas Bikoy na nalathala sa online.

Nabatid mula kay Atty. Larry Gadon, legal counsel ni Advincula, na maghahain ng piyansa ang kanyang kliyente sa korte sa Lunes o Martes. Nakapagpiyansa na rin nitong Biyernes sina Villanueva at Alejo.

Nasa ibang bansa pa si Trillanes at maglalagak umano siya ng piyansa pagbalik sa susunod na linggo. JG TUMBADO

124

Related posts

Leave a Comment