VIOLATIONS NG ABS-CBN IDEDETALYE NA

IDEDETALYE na sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability ang mga ‘atraso’ ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa.

Ipagpapatuloy ngayong umaga ng mga nabanggit na komite ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN subalit tututok ito sa umano’y paglabag ng nasabing network na tinukoy ni House deputy speaker Rodante Marcoleta noong nakaraang linggo.

“Dahilan sa mga conflicting issues na narinig ko mula sa ABS-CBN at kay Deputy Speaker Marcoleta, kinakailangan magkaroon tayo ng exhausted hearing at nang sa ganun talagang makita natin kung ano ang katotohanan,” pahayag ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga Jr.

Sa pagdinig noong Martes, Mayo 26, 2020, pito ang kasalanan umano ng ABS-CBN kaya iginiit ni Marcoleta na hindi dapat bigyan ng panibagong prangkisa ang nasabing network.

Kabilang dito ang usapin ng foreign ownership dahil American citizen umano si Eugenio “Gabby” Lopez III nang maging opisyal ito ng ABS-CBN mula 1986 hanggang 2002; pagbebenta ng shares sa mga dayuhan sa pamamagitan ng Philippine Depository Reciepts (PDRs); labor violations, tax evasion, pagiging bias sa eleksyon; pagkakaroon ng multiple channel, kung nagbayad ang mga ito sa gobyerno nang masolo ng mga Lopez ang nasabing istasyon pagkatapos ng EDSA revolution at kung lagpas na sa 50 years ang kanilang prangkisa na hindi umano pinapayagan ng Saligang Batas.

Mariin namang itinanggi ng pamunuan ng ABS-CBN partikular na ng kanilang chairman na si Carlo Katigbak ang mga alegasyon laban sa kanilang kumpanya bago ito idinetalye ni Marcoleta.

CALIDA NAMUMURO SA CONTEMPT

Samantala, sinabi naman ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado, chairman ng House committee on good government and public accountability, kailangang magpakita umano si Calida sa pagdinig nila sa prangkisa ng ABS-CBN dahil kung hindi ay posibleng ma-contempt ito.

“He should attend future hearings ang explain his side why should he not be held in contempt,” ani Sy-Alvarado matapos hindi sumipot si Calida sa unang pagdinig noong nakaraang linggo.

Maging si House Speaker Alan Peter Cayetano ay iginiit na dapat personal na dumating si Calida sa pagdinig ng dalawang nabanggit na komite upang ipaliwanag sa Kamara kung bakit hindi siya dapat magsalita.

Ayon kay Cayetano, bagama’t iginagalang umano nito ang depensa ni Calida na posibleng makaapekto ang kanyang pagdalo sa isinampang quo warranto petition sa Korte Suprema laban sa ABS-CBN, “but you should be here”.

CALIDA GIGISING SA SUPPORTERS NG ABS-CBN?

Habang isinusulat ito ay wala pang kongresista ang nagkumpirma kung darating si Calida o hindi sa isasagawang pagdinig ngayon.

Pero ayon sa isang impormante sa Kamara, hawak ni Calida ang mabibigat na impormasyon laban sa ABS-CBN na dapat umano nitong isiwalat sa publiko upang malaman ng mga supporter ng nasabing network.

“Sa pagkakaalam namin, hawak nya yung mga vital informations kung bakit hindi dapat bigyan ng panibagong franchise ang ABS-CBN. Kailangan niyang sabihin nang personal yun sa Congress. Baka yun ang gigising sa mga supporters ng ABS-CBN,” ayon sa kongresista na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.

Ginawa ng impormante ang pahayag dahil sa patuloy na pangangalap umano ng ABS-CBN ng lagda upang suportahan ang kanilang prangkisa kung saan noong nakaraang linggo ay umabot na umano sa 1.2 million signatures ang nakuha ng mga ito sa on-line petition.

“Kaya dapat magsalita si SolGen Calida sa komite mismo dahil nakatutok ang mga tao,” opinyon pa ng impormante. BERNARD TAGUINOD

51

Related posts

Leave a Comment