(NI HARVEY PEREZ)
SIMULA na bukas, Agosto 1, ang panibagong voters registration na ipatutupad ng Commission on Elections (Comelec) .
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang registration ng mga bagong botante ay tatagal ng hanggang dalawang buwan at magtatapos sa Setyembre 30.
Hinikayat ni Jimenez ang mga bagong botante na samantalahin ang ipinatupad na registration na magsisimula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon mula Lunes hanggang Sabado at maging araw ng holiday.
Balak din ng Comelec na magdaos ng satellite registration sa mga malls, ngunit iaanunsiyo pa lamang umano nila kung saan at kailan ito isasagawa.
“ATTN: #VoterReg2019 starts on 1 August 2019. All @COMELEC field offices; all applications: all week except Sundays. Yes, there will be satellite registrations in malls – please stay tuned for announcements on satellite registration locations. #MagparehistroKa,” panawagan pa ng Comelec sa kanilang social media accounts.
Inaasahan ng Comelec na aabot sa may 2 milyon ang magpaparehistrong bagong botante.
Nilinaw naman ni Jimenez na hindi na kinakailangan magparehistro ng mga Sangguniang Kabataan (SK) voters, na tutuntong sa edad na 18-anyos, dahil awtomatiko na aniyang ililipat ng poll body ang kanilang pangalan sa regular na list of voters.
182