VP SARA AYAW TANTANAN SA KAMARA

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI lulubayan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa paggamit ni Vice President Sara Duterte sa kanyang confidential and intelligence funds (CIF), hindi lamang sa Office of the Vice President (OVP) kundi maging sa Department of Education (DepEd) sa gitna ng pagsabog ng kanyang galit kamakailan.

“Sa ganang amin, the performance of one’s duty should be the primordial consideration. Trabaho po namin ‘yun eh. And therefore dapat walang letup to show what really happened in so far as the confidential funds of the Office of the Vice President (OVP) and the Department of Education (DepEd) when she was still the secretary,” ani Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Unang nakuwestiyon si Duterte sa P125 million CIF funds nito sa OVP noong 2022 na ayon sa Commission on Audit (COA) ay ginastos sa loob lamang ng 11 araw at kasama sa ginastusan ang 34 safehouses na nirentahan umano ng P45,000 hanggang P250,000 kada araw.

Noong 2023, binigyan ng P500 million CIF ang OVP at karagdagang P150 million sa DepEd na kanyang pinamunuan mula 2022 hanggang July 2024 subalit pinagsususpetsahan na nilustay lamang ito tulad ng P15 million na ginamit umano sa Youth Leadership Summit subalit itinanggi ng Philippine Army (PA) na nakatanggap sila ng pondo mula sa tanggapan ng Bise Presidente.

Noong isang linggo ay nagpatawag ng press conference si Duterte at ipinaramdam nito ang kanyang galit sa kasalukuyang administrasyon partikular na kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kanyang running mate noong 2022 elections.

Sa kabila nito, sinabi ni Acop na itutuloy pa rin ng mga ito ang imbestigasyon dahil karapatan ng taumbayan na malaman kung papaano ginagamit ng mga opisyales ng gobyerno tulad ni Duterte ang kanilang buwis.

“‘Pag magbibigay kami ng leeway, hindi na po yata in accordance with our mandate. Ganoon po ang paningin namin doon,” paliwanag ni Acop.

Samantala, sinabi ng kongresista na nabalot na ng galit at pagkamuhi si Duterte kaya nawala na sa kanya ang tinatawag na sense of decency pero ipinakita umano nito sa taumbayan kung anong klaseng tao siya.

“How you manage ‘yung hate sa iyong katawan at ‘yung nasasaktan ka, it’s also a test of your character,” ayon pa kay Acop.

She Crossed The Line
– Rep. Sandro

“SHE crossed the line.”

Ganito inilarawan ng anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang banta ni VP Sara na huhukayin nito ang mga labi ng kanyang lolo at puputulan ng ulo ang kanyang ama.

Ayon sa batang Marcos, pinili nitong manahimik bilang paggalang sa Bise Presidente at ibinigay na mandato sa kanya ng taumbayan subalit hindi umano nito matanggap ang mga pahayag ni Duterte sa kanyang press conference noong Biyernes.

“However, as a son I cannot stay silent while she threatens to exhume a former president and beheaded an incumbent one,” ayon sa statement ni Rep. Marcos kahapon.

Bagama’t malawakang kinondena aniya ng taumbayan ang pahayag ni Duterte, kailangan umano niyang magsalita bilang Ilocano representative.

Inamin nito na pinigilan siya ng kanyang ama na magsalita at magkomento sa mga pahayag ng Bise Presidente subalit kailangan aniya niyang magsalita dahil hindi nito mailarawan ang kanyang damdamin sa mga banta ni Duterte.

Naniniwala umano ito na posibleng “self therapy” ni Duterte ang kanyang mga binitawang pahayag laban sa kanyang pamilya. “But she crossed the line, leaving the civic and civil space in which disagreements can be rationally argued.”

Sinabi rin ng mambabatas na ito ang pagkakataon para ipaalala sa lahat na huwag pabayaan ang kanilang mental health at umaasa ito na nasa maayos na kalagayan ang Pangalawang Pangulo.

“As such, I still wish the Vice President well. Ultimately, her success, like the President’s, will be the success of our nation as a whole. May she find the peace of mind and mental clarity that seems to be eluding her,” ayon pa sa anak ng Pangulo.

26

Related posts

Leave a Comment