BUMUO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng caretaker committee para magsilbing tagapangalaga ng bansa habang siya ay nasa Indonesia para magpartisipa sa 42nd ASEAN Summit.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, si Vice President Sara Duterte ang magsisilbing chairperson ng komite.
Ang mga miyembro naman ay sina Bersamin at DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga.
Bago lumipad patungong Indonesia ang Pangulo ay pinirmahan nito ang administrative order para rito.
Sinasabing, ito ang unang pagkakataon na bumuo ng komite ang Chief Executive sa kanyang paglabas ng bansa o ang magtalaga ng tatlong opisyal para magsilbing tagapagbantay ng tinawag niya sa kanyang mensahe bilang fortress.
Karaniwan na kasing itinatalaga lamang ng Pangulo si Duterte bilang caretaker ng Pilipinas kapag may byahe siya sa ibang bansa.
Kamakailan, usap-usapan sa social media ang obserbasyon ng mga supporters ng Marcos-Duterte tandem na nahati na ang Uniteam.
Kahapon ay umalis si Marcos Jr. papuntang Labuan Bajo sa Indonesia para sa 42nd ASEAN Summit.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, inaasahan na igigiit ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpapakita ng sentralidad ng ASEAN sa rehiyon sa gitna ng geopolitical rivalries.
“The President will also advance the Philippines’ priorities in ASEAN through regional and multilateral cooperation,” ayon sa DFA.
“My participation will serve to promote and protect the interest of the country including our continued efforts toward economic growth, attaining food and energy security, promoting trade and investment, combating transnational crimes such as the trafficking of persons, and protecting migrant workers in crisis situations,” ang pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang pre-departure speech.
Ang opening ceremony ng Summit ay gaganapin, ngayong Mayo 10 na susundan ng plenary session at maging ng serye ng interfaces sa hanay ng ASEAN leaders, representatives, at delegado na relevant o may kaugnayan sa ASEAN bodies. (CHRISTIAN DALE)
290