VP SARA PWEDENG PALITAN NG SENATE PRESIDENT – GADON

IPINAHAMAK lamang ang kanyang sarili at pinatunayang wala siyang kakayahan na manilbilhan bilang bise presidente.

Ito ang tahasang pahayag ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon nitong Miyerkoles, hinggil sa mga binitiwang salita ni Vice President Sara Duterte na hindi na siya makikipagtulungan kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at sa administrasyon nito.

Iminungkahi pa ng kalihim sa mga miyembro ng Kongreso na maaari nang tanggalin sa kanyang puwesto si VP Sara sa pamamagitan nang pagdedeklara rito bilang “incapacitated” o wala nang kakayahan gawin ang kanyang mga tungkulin at “nag-iimagine” pa itong pugutan ng ulo ang Pangulo.

“Noong una, suhestiyon ko sa Makabayan Bloc members huwag na munang ituloy ang impeachment proceedings kay Vice President Sara, dahil wala nang oras para dito, mag-eeleksyon na, may Christmas break pa, at malapit na mag-adjourn ang sessions ng Kongreso. Kaya ang suhestiyon ko ngayon, ideklara siyang ‘incapacitated,” ani Gadon.

Sa video ng kanyang pahayag na ibinigay sa media, sinabi ni Gadon na may dalawang paraan para tanggalin ang bise presidente. Bukod sa impeachment proceeding aniya, maaaring tanggalin ng mga kongresista si VP Sara sa pamamagitan ng deklarasyon na ito ay “incapacitated” na, o wala nang kakayahang gawin ang kanyang mga tungkulin na iniaatas ng Saligang Batas o Constitution.

“Because the role of our Vice President according to our Constitution is to assist the President in his performance of his duties and to perform such other functions that may be assign by the President,” ipinunto pa ni Gadon.

“Paano siya makakapag-assist sa Presidente, kung siya mismo, idineklara niya, sa sarili niya, na hindi na siya makikipag-cooperate sa ating Presidente. Hindi na siya tutulong. And in fact iniisip niya, ini-imagine niya, na gusto niyang pugutan ng ulo ang ating Presidente,” paliwanag pa ni Gadon.

Ito, ayon kay Gadon, ay pagpapakita na hindi na gagawin ni VP Sara ang mga tungkuling iniaatas ng Constitution sa kanya. Iniiwas na ni VP Sara, para kay Gadon, ang sarili nito sa mga dapat niyang gampanang papel.

Kapag naideklara na si VP Sara ay ‘incapacitated’ at natanggal sa pwesto, inaatas din ng Saligang Batas na ang maaaring pumalit dito ay ang Senate president.

Ang pagdeklarang si VP Sara ay ‘incapaciated’, ayon pa rin kay Gadon, ay nakasalalay lamang sa kapangyarihan ng Kongreso. (JOEL O. AMONGO)

31

Related posts

Leave a Comment