MISTULANG umiiwas mapusoy si Vice President Sara Duterte kaya sa halip na sagutin nang diretso ang mga isyung kinakaharap nito tulad ng ilegal na paggastos ng confidential funds noong 2022 at maging ng tatlong milyong estudyante na hindi nakapag-enroll ngayong school year, ay ginagawan na lamang ng kwento ang mga kritiko nito.
Ginawa ni ACT party-list Rep. France Castro ang nasabing pahayag dahil sa dami na umano ng sinabi ni Duterte sa labas ng Kongreso ay hindi pa rin nito sinasagot ang mga nabanggit na isyu.
“Sa dami-dami na ng sinabi nya para atakehin kami pero di pa din niya tuwiran at detalyadong sinasagot ang mga katanungan ng taumbayan sa hindi otorisadong paggamit nya ng P125 milyong confidential funds noong 2022,” ani Castro.
Magugunita na sinabi ni Duterte na gawaing terorista ang pagpapakalat umano ni Castro ng kasinungalingan hinggil sa P125 million confidential funds na inilipat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong December 13, 2022 na naubos ng kanyang tanggapan sa loob lamang ng 19 araw.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na hindi na nila kinagulat ang pagrered-tag ni Duterte na posibleng taktika ng bise presidente upang maibaling sa ibang usapin ang ilegal na pondong ginamit nito.
Inililihis din umano ni Duterte ang isyu hinggil sa halos 3 milyong kabataan na hindi nag-enroll ngayong school year sa pamamagitan ng pag-atake sa kanya.
Ito ay matapos sabihin ni Duterte ang mga katagang “take note, hindi ako ang may kaso ng kidnapping. hindi ako yung may kaso ng human trafficking. si France Castro, kinuha niya yong mga bata diyaan sa Talaingod kasi ililipat niya doon sa Manila para mag-rally. Siya yong may kidnapping. Siya yong may trafficking,” sa isang forum sa Davao.
Itinanggi ng mambabatas na nakasuhan siya ng kidnapping dahil sa piskalya pa lamang ay ibinasura na umano ang gawa-gawang kaso na isinampa ng administrasyon ng ama ni Duterte na si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga katutubong estudyante noong 2018 sa Davao del Norte.
“We hope that the Vice President checks them before speaking and that she gives the public real explanations on the issues she is facing as Vice President and DepEd Secretary,” patutsada pa ni Castro.
(BERNARD TAGUINOD)
