‘VP’s PORK’ BINAKBAKAN SA KAMARA

(BERNARD TAGUINOD)

TINAWAG ng isang mambabatas sa Kamara na ‘vice president’s pork (barrel) ang P500 million confidential funds ni Vice President Sara Duterte na bahagi ng P2.3 billion pondo ng Office of the Vice President (OVP) sa 2023.

Sa floor deliberation sa OVP budget na dinaluhan mismo ni Duterte, harap-harapang sinabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na “I believe iyong current proposal ng OVP ay maihahalintulad sa vice president’s pork cloaked with good governance”.

Sa nakaraang administrasyon, walang confidential funds na ibinigay kay dating Vice President Leni Robredo kaya lalong kuwestiyonable ito para sa grupo ni Manuel sa Makabayan bloc.

Idinepensa naman ni Davao de Oro Representative Maria Carmen Zamora na siyang nag-sponsor sa budget ng OVP na nakalaan aniya ang nasabing pondo sa tinawag na good governance program.

Kabilang sa paggagamitan aniya sa nasabing halaga ay financial subsidy, medical and burial assistance, libreng pagsakay sa bus at iba pang programa na ipatutupad ng tanggapan ni Duterte.

Binutata naman ito ni Manuel sa pagsasabing, “Mahirap po tayong makapagsabi na tayo ay nagpa-practice ng good governance kung malaking bahagi po ng ating pondo ay nakakubli”.

Maging ang P150 billion na confidential funds ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan din ni Duterte ay pinagdiskitahan ng mga miyembro ng minorya sa Kamara.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, dapat ilipat ang pondo sa pagbili ng mga kagamitan sa mga eskuwelahan tulad ng textbook, silya at iba pa.

Ipinaliwanag ng lady solon na makabibili ng 150,000 armchair sa nasabing halaga at kung ibibili naman aniya ito ng textbooks ay madaragdagan ng 3 milyon ang libro ng mga estudyante.

Para naman kina Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado at Albay Rep. Edcel Lagman, dapat gamitin umano ang nasabing halaga para mapondohan ang special education na hindi pinaglaanan ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM).

Related posts

Leave a Comment