‘Wag hayaan sa mga politiko PULSO NG PINOY SA MWF ALAMIN

IPINASASAALANG-ALANG ng isang mambabatas ang saloobin ng publiko sa pagdedesisyon sa kahahantungan ng panukalang pagbuo ng Maharlika Wealth Fund (MWF).

Bukod dito, para kay Albay Rep. Edcel Lagman ay hindi dapat politiko kundi mga kwalipikado at malalim na ang karanasan bilang economic manager mula sa pribadong sektor ang mamamahala sa MWF.

Nanawagan din siya sa liderato ng Kamara na huwag madaliin ang pagpapatibay sa nasabing panukala at bigyan ng pagkakataon ang mas nakararaming mambabatas na konsultahin ang kanilang constituents sa bagay na ito.

“The chair of the Maharlika Investment Corporation must be a truly qualified and experienced economic manager from the private sector,” ani Lagman na mistulang tutol na ang Secretary ng Department of Finance (DOF) ang tatayong chairman sa MWF.

Noong Lunes ay inakyat na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill (HB) 6398 na magtatatag sa MWF para sa ikalawang pagbasa kung saan si Manila Rep. Irwin Tieng, chairman ng House committee on banks and financial intermediaries ang tumayong sponsor.

Subalit ayon kay Lagman, kailangang konsultahin muna ang mga Pilipino sa nasabing panukala at maaari itong gawin sa Christmas break na magsisimula sa December 17 hanggang January 22, 2023.

“The long Christmas break will afford the members of the House sufficient time to consult their constituent on the pros and cons of the proposed measure,” bahagi ng sulat ni Lagman kay House Speaker Martin Romualdez.

Dangerous bill

Sinabi naman ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na “dangerous” o mapanganib pa rin ang MWF bill kahit niretoke na ito ng mga congressman na nagsusulong nito dahil sa matinding pagtutol ng sambayanang Pilipino.

“The insertion of penalties for corruption in the bill is a mere surplusage intended to beautify it but adds nothing substantial and new,” ani Colmenares dahil sa mga amendment na ipinasok tulad ng pag-alis sa Pangulo ng bansa bilang chairman of the board ng MWF.

Kasama sa amendment ang umano’y ‘kunwaring pag-alis” sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) na pagkukunan ng pondo at pagkakaroon ng kaparusahan tulad ng isa hanggang limang taong pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P1 milyon sa board of directors na magpapabaya at hindi pangangalagaan ang interes ng bansa sa papasuking investment.

“The Maharlika fund must be abandoned. Hindi nagbago ang pagiging masama ng Maharlika fund kahit ano pang pagpapaganda, kaya dapat lang siya ibasura,” ayon pa kay Colmenares. (BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment