(NI NICK ECHEVARRIA)
NILINAW ng Philippine National Police (PNP) na walang banta sa seguridad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac na wala silang natatanggap na anumang “death threat” sa buhay ng Pangulo.
Gayunman sinabi ni Banac na bilang pinakamataas na opisyal ng bansa tungkulin ng PNP na tiyakin ang kaligtasan ng Pangulo sa tuwing nagsasalita at bumibisita ito sa harap ng maraming tao bukod pa sa ibinibigay na mahigpit na security ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) na siyang pangunahing ahensiya na nangangalaga sa kaligtasan ng presidente.
Hindi naman itinanggi ng tagapagsalita ng PNP na bahagi ng trabaho ng Punong Ehekutibo kung may mga banta man sa buhay nito na resulta ng determinadong paglaban sa malalaki at organisadong sindikato ng droga, mga pusakal na kriminal at mga terorista.
Ginawa ni Banac ang pahayag makaraang mapansin ng publiko sa kauna-unahang pagkakataon ang inilagay na bulletproof glass sa harap ng podium habang nagsasalita ang pangulo sa isang campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon City.
444