Walang demonetization sa 2022 – Palasyo LUMANG P1,000 BILL MAGAGAMIT PA RIN

WALANG dapat ikabahala sa paglabas ng bagong isang libong papel dahil patuloy na magagamit ang lumang bersyon nito.

Ayon sa Malakanyang ang bagong P1,000 banknote design na nagpapakita ng Philippine eagle kapalit ng tatlong Filipino war heroes ay para lamang sa test circulation.

“Our P1,000 bill that shows the faces of our heroes and martyrs will not be demonetized,” ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

“This new design with polymer material is only for test circulation,” ani Nograles nang tanungin kung polisiya na ba ng administrasyong Duterte ang burahin o alisin at palitan ang disenyo ng Philippine banknotes.

Sinabi pa ni Nograles na ang test circulation ng bagong P1,000 bill ay magsisimula sa Abril 2022.

“The test circulation will be done to validate if the polymer material is environment friendly, more hygienic considering we are still facing a pandemic, or if it is more secure,” anito.

Hindi naman masabi ni Nograles kung kailan ang eksaktong petsa para sa pagpapatupad ng test circulation at kung ang mukha ng tatlong bayani ay maibabalik matapos ang test circulation period.

“The new design for banknotes is cyclical and is done in validating advantages of the polymer material, with the assurance that the existing P1,000 bill with the faces of our heroes will not be demonetized,” ang pahayag ni Nograles.

May ilang mambabatas naman at personalidad ang kinuwestiyon ang bagong disenyo ng P1,000 banknote kung saan inalis sina Josefa Llanes Escoda, Vicente Lim at Jose Abad Santos.
Sina Escoda, Lim at Santos ay pinaslang ng Japanese forces noong World War II dahil sa pagtatanggol sa kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop.

Hackers imbes
WW2 heroes

Sa Kamara, nais din ng ilang mambabatas na pagtuunan ng pansin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagkawala ng pera ng mga depositor sa bangko sa halip na pagsibak sa mga World War 2 heroes sa P1,000 bills.

“Let’s keep an eagle eye where Filipinos need it. And right now, we need sharp detection of bank fraud and hacking attempts to protect the hard-earned money of millions of bank clients,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaugnay ng pahayag ni BSP Governor Benjamin Diokno na pinal na ang pagtanggal kina Lim, Llanes Escoda at Abad Santos sa P1,000 bills at pinalitan ito ng Philippine Eagle.

Sinabi ng mambabatas na kahihiyan ng BSP ang hacking sa Banco de Oro na nangyari habang abala ang mga ito sa pagtanggal sa WW2 heroes.

Bago aniya ang BDO hacking, inamin ng Bankers Association of the Philippines (BAP) na umaabot na sa P1 billion umano ang nawala sa mga kliyente ng mga bangko sa cybercriminals at digital fraudsters ngayong taon pa lamang.

“Sa halip na atupagin ng BSP ang pagtanggal sa pigura ng mga bayani noong World War II sa isang libo, tiyakin dapat nito na maibabalik ang perang nawala sa maraming kliyente ng Banco de Oro,” ani Brosas.

Samantala, dalawang resolusyon na ang nakahain sa Kamara para imbestigahan ang BDO hacking upang makagawa ang mga ito ng batas na poprotekta sa depositors.

Bukod sa House Resolution (HR) 2407 na inakda ni Albay Rep. Joey Salceda ay inihain din ng mga kinatawan ng Bayan Muna party-list ang HR 2412 na nag-aatas sa House committee on bank and financial intermediaries na magsawa ng imbestigasyon upang malaman kung protektado ang depositors sa mga hacker.

Layon din ng imbestigasyon na matiyak na may kakayahan ang law enforcement agencies na mahuli ang mga hacker at makasuhan sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

130

Related posts

Leave a Comment