Walang tigil na importasyon ngayon ng bigas, ipinagmalaki ni Dominguez ‘RICE IMPORTATION’ NATULDUKAN SA MASAGANA 99

NABUHAY at pinag-usapan muli ang programang “Masagana 99” ng namayapang Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. na ipinatupad limang dekada na ang lumipas.

Napakaganda ng epekto ng Masagana 99 sa isyu ng produksiyon ng bigas sa Pilipinas simula nang ipatupad ang nasabing programa.

(Ideya ni Marcos)

NGUNIT, naging kontrobersiyal at masama ang Masagana 99 dahil sa simpleng isyu na “ideya” ito ni Marcos.

Taong 2020 na ngayon, ngunit marami pa ring pumupuna sa mga proyekto at programa ni Marcos dahil sa deklarasyon ng batas-militar.

Kahit wasto, makabuluhan at totoong nakatulong sa mamamayan ang Masagana 99 ay binibira, binabalewala at hinusgahang palpak ng mga kritiko ni Marcos – lalo na ng mga komunista at mga aktibistang kabilang sa mga organisasyong bahagi ng pambansang demokratikong kilusan na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) – dahil proyekto ni Marcos.

Wala namang perpektong pangulo.

Wala ring perpektong rehimen.

Lahat may mali, lahat mayroong nagawang krimen sa mamamayan.

Ngunit, hindi ito dahilan upang hindi obhetibong suriin at tanggapin ang katotohanang maraming nagawa si Marcos sa kabila nang isinailalim niya ang buong bansa sa batas-militar noong Setyembre 1972.

Isa sa mga proyekto ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang “Masagana 99.”

(Ano ba ang Masagana 99?)

ANG salitang masagana ay “bountiful” sa Ingles, ayon sa artikulong “Masagana 99” na lumabas sa online platform ng The Center for Media and Democracy (CMD).

Ang CMD ay isang watchdog sa Estados Unidos kung saan nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga kawani at mananaliksik nito hinggil sa korapsyong sumisira at nagbabalewala sa demokrasya, kapaligiran at pag-unlad ng ekonomiya.

Pinili ni Marcos ang salitang masagana, sapagkat ang proyekto ay naglalayong maging masagana ang buhay ng mga Filipino, partikular na ang mga magsasaka, simula 1973 hanggang sa mga susunod na taon.

Ang 99 naman ay literal na 99 kabang bigas o 4,900 kilos ng bigas ang dapat anihin sa bawat isang ektaryang (10,000 kuwadro – metro) lupang sinasaka ng grupo ng mga magsasaka, banggit ng artikulo ng CMD at ng iba pang mga taong kabisado ang Masagana 99 tulad nina Dr. Emil Q. Javier, Fernando Malveda at Rosendo So.

Si Javier ay naging pangulo ng University of the Philippines (UP) noong 1993 hanggang 1999 at kinilalang national scientist ng bansa, samantalang si Malveda ay pangulo ng Leads Agricultural Products Corporation at pinuno ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) at Abono party-list si SoBinanggit ni Malveda sa media forum ng isang broadsheet nitong Marso ng kasalukuyang taon na layunin ng Masagana 99 na baguhin ang inaaning 45 kabang bigas kada isang ektarya (mahigit 2,227 kilo).

Sa kolum ni Dr. Javier sa Manila Bulletin noong Nobyembre 5,2016, tinalakay niya ang Masagana 99 na ang pamagat ng kanyang paksa ay “Masagana 99 redux.”

Sabi niya: “Reeling from the effects of 28 typhoons over a four-month period in crop year 1971; a severe outbreak of tungro virus in 1972, and a killer flood in crop year 1973 in Central Luzon followed by a drought, the Philippines was forced to launch Masagana 99 as a crash rice program for “national survival.””

Inilunsad ni Marcos ang Masagana 99 noong 1973 bilang sagot sa matinding suliraning humambalos sa bansa mula 1971 hanggang 1973.

Natigil ang Masagana 99 noong 1979 dahil nagkaroon ito ng problema.

(Masagana 99 ni Marcos, gustong buhayin ni Duterte)

MATAGAL nang wala ang Masagana 99.

Noong 1979 ay itinigil na ito ng administrasyong Marcos kahit naging matagumpay ito.

Ayon kay Javier, nagtagumpay ang proyekto ni Marcos dahil binigyan ang maliliit na magsasaka ng “access to a package of technology without which it is impossible to grow decent, profitable crops of rice.”

Ipinaalala niya sa publiko, marahil partikular sa mga opisyal ng pamahalaan, na “Farmers need good seeds, fertilizers, pest control, dryers and credit. As long as these elements are provided for, the farms will pay for themselves, and the farmers-borrowers should be able to pay back the loans, except during calamities and exceptional circumstances for which we should provide insurance.”

Pinalitan ito ni Marcos ng programang FIELDS na tungkol sa “fertilizers, infrastructure and irrigation, education and extension work, loans, drying and postharvest facilities, and seeds,” ayon sa artikulong “Masagana 99” ng CMD.

Ang FIELDS ay ‘karugtong’ ng Masagana 99.

Inayos ng FIELDS ang naging pagkakamali ng Masagana 99 kung saan ang layunin pa rin ay ang kagustuhan ni Marcos na magtuluy-tuloy ang masaganang produksiyon ng bigas upang buhayin ng mga magsasaka ang mamamayang Filipino.

Ayaw ni Marcos ang importasyon, sapagkat hindi bahagi ng “Bagong Lipunan” ang walang tigil na pag-angkat ng Pilipinas ng bigas sa ibang bansa na nagaganap na mula pa noong sakop ang Pilipinas ng mga dayuhan.

Inilunsad ni Marcos ang Bagong Lipunan makaraang umiral ang batas – militar sa bansa dahil hangad niyang matanggal ang mga suliranin at sakit ng bansa na hindi na natanggal mula Rehimeng Commonwealth nina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña hanggang sa kanyang unang dalawang termino.

Muling naging paksa ang Masagana 99 nang inihayag ni Duterte noong 2016 na plano niyang maglunsad ng pang- agrikulturang proyekto na halaw sa nasabing proyekto ni Marcos.

Ganito ang introduksiyon ng kolum ni Javier noong 2016 nang talakayin niya ang Masagana 99: “This column was prompted by the announcement of the President that he will emulate the Masagana 99 rice program and the Biyayang Dagat fisheries program of the Marcos years to achieve his administration’s objective of food self-sufficiency.”

Ang pahayag ni Duterte ay tumanggap ng “[M]ixed reactions. For many small farmers and fisherfolk and some in the business sector, they welcome President Rodrigo Duterte’s statement as a firm commitment to pay more attention and devote more resources to the rural sector to raise productivity, create jobs and increase family incomes. Hence, squarely address our most pressing national problem of eradicating poverty,” patuloy ni Javier.

Inamin ni Malveda sa Daily Tribune na ginaya ng Leads ang Masagana 99, sapagkat bilib siya sa proyektong ito.

Idiniin niya na ipinatupad nila ang Masagana 99 kung saan nagbibigay rin sila suportang pinansiyal sa kanilang mga magsasaka tulad ng ginawa ni Marcos noong 1973 hanggang 1978.

Tinumbok ni Malveda na tanging Masagana 99 ang pang-agrikulturang proyekto ng pamahalaan na tumaas ang produksiyon ng bigas.

(Pinas sagana sa bigas)

MULING ipinaalala ni Dr. Emil Javier ang napakagandang resulta at epekto ng Masagana 99 na naging self-sufficient at masagana ang bigas ng bansa noong 1973 hanggang 1979.

“[O]bjectively, what was the outcome of the Masagana 99 rice program? Contrary to detractor’s claims, the program actually achieved its avowed objective of growing more rice and achieving self-sufficiency, albeit for only a brief period immediately after the program was launched in 1973,” pahayag ni Javier.

Ipinaalala ni Javier na “After M-99 was launched, [the] national average palay yields dramatically increased 10 percent during the wet season, and 25 percent during the dry season compared with the immediate preceding crop years…

During crop year 1975–76, the Philippines finally attained self-sufficiency in rice production and was able to establish a 90-day buffer stock for food security purposes (Jesus Alix, Director, BAEcon).”

“In 1977–1978, the country produced a surplus which enabled it to export 89,000 metric tons to neighbors in Asia,” patuloy niya.

Binanggit naman ni So sa kalatas ng Sinag na “There was an increase of 10-percent yield per hectare during the wet season and 25-percent increase yield per hectare during the dry season under the Masagana 99 from 1974 to 1978, as compared to pre-Masagana from 1969 to 1974.”

Binanggit din ni So ang sinabi ni Javier na mayroong 89,000 metric tons na sobrang bigas ang bansa noong panahon ni Marcos na ipinadadala sa mga karatig bansa upang idiin ang puntong nahinto ang importasyon ng bigas.

Nabanggit ng CMD ang magandang eksportasyon ng bigas ng Pilipinas noong panahon ni Marcos.

Nangangahulugang kumita ang pamahalaan, mga negosyante at magsasaka sa nabanggit na proyekto ni Marcos.

(Tumaas sa 75% kita ng magsasaka)

TINUKOY ng CMD na pumalpak ang Masagana 99 sa usapin ng pagpapataas ng kita ng mga magsasaka.

“Although Masagana 99 made the country self-sufficient in rice during the initial years, it failed to raise real farm income because the increase in total supply intensified the cost-price squeeze phenomenon that removed the intended profits in rice farming,” birada ng CMD sa artikulo nito ukol sa Masagana 99.

Hindi pinalawig ng CMD ang sinasabing dahilan ng binanggit nitong maliit ang kita ng mga magsasaka.

Ang tinukoy na pagtaas ng suplay ng bigas na idinikit sa relasyon ng “cost” at “price” ay hindi nangangahulugang depektibo at mali ang Masagana 99, sapagkat ang nagdesisyon sa resulta ng gastos at presyo ng bigas o ng anomang produkto sa palengke ay ang ‘pagkikiskisan’ ng gastos at presyo sa palengke na tatama sa kita ng magsasaka at negosyante o trader.

Sa punto ng ekonomista, hindi pwedeng masyadong mataas ang presyo ng bigas kung maraming suplay ng bigas dahil labag ito sa “law of supply and demand.”

Ngunit, mali ang impormasyong nakuha ng CMD.

Ayon kay Javier na higit na kabisado ang iba’t ibang parte ng buong katawan ng Masagana 99, hindi lang produksyon ng bigas ang tumaas, kundi “[the f]armer’s incomes per hectare likewise significantly increased.”

Umabot ito hanggang 75 porsiyento mula sa kita nila noong hindi pa inilunsad ang Masagana 99.

Inihalimbawa ni Javier ang Iloilo “… where hundreds of farmers carefully recorded costs and returns, Masagana 99 participants obtained 75 percent more income during the wet season and 55 percent more during the dry season compared with non-Masagana 99 growers.”

(Natuldukan ang rice importation)

MATAGAL nang tapos ang panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Mayroon nang 34 taong nakalipas mula nang palitan siya ng noo’y “housewife” ng pinaslang na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

Kung babalikan ang kasaysayan, naunang ‘namayapa’ ang Masagana 99 kaysa kina Marcos at Aquino.

Subalit, hanggang ngayon ay mistulang mainit na pandesal ang Masagana 99 dahil muling mainit itong paksa sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Galit kay Marcos, banas din sa Masagana 99

“[T]HOSE who have not forgiven the Marcos martial law administration as well as those critical of the undue emphasis on rice at the expense of other commodities, this [Masagana 99 project of President Marcos] is wasteful and a misdirection of scarce resources,” banggit ni Dr. Emil Javier sa kanyang kolum sa Manila Bulletin noong Nobyembre 2016.

Hindi nakapagtataka kung ang mga aktibista at komunistang kabilang sa mga legal na prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) o mismong mga kadre ng huli o dating pinuno nito na si Jose Maria Sison ang sagad- saring galit kay Marcos at sa Masagana 99.

Simula nang itatag ang Kabataang Makabayan (KM) noong 1964 hanggang buuhin ang CPP noong 1968 ay masama na si Marcos para kay Sison at mga kadre ng CPP at mga aktibista nito.
Bawat kilos ni Marcos ay tutol sila.

Kaya, hindi nakagugulat kung masama ang pananaw at pagtatasa nila sa Masagana 99.

Sa hanay ng administrasyong Duterte, si Finance Secretary Carlos Dominguez III ang kilalang tahasang tutol sa pagpapatupad ng pang-agrikulturang programa ng administrasyong Duterte na halaw sa Masagana 99 (mataas ang produksiyon ng bigas, walang importasyon, mayroong eksportasyon ng bigas at malinaw ang interbensiyon ng pamahalaan).

Dahil sa kanyang tahasang pagharang, masasabing si Dominguez ay mistulang lumang basahang isinaksak sa butas ng imbudo, dahilan upang hindi makalabas o makaagos pababa ang mantikang inilagay sa imbudo.

Ang mantika ay produktong higit na magpapaunlad sa mga magsasaka at bansang Pilipinas sa larangan ng agrikultura.

Pumutok sa publiko ang galit ni Dominguez sa proyektong Masagana 99 ni Marcos nitong Mayo 20.

Habang nagaganap ang pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa iba’t ibang ideya, proyekto at solusyon upang maresolbahan ang masamang epekto ng coronavirus disease-2019 (COVID-19), iminungkahi ni Senadora Maria Imelda Josefa “Imee” Marcos kay Dominguez na buhayin ang Masagana 99 upang tulungan ang mga magsasaka ngayong nahaharap ang Pilipinas sa masamang epekto ng pandemyang virus.

Agad tinutulan ni Dominguez ang ideya ni Senadora Marcos dahil (una) hindi totoong nag-eksport ng tone-toneladang bigas, (ikalawa) hindi tumaas ang kita ng mga magsasaka, (ikatlo) pataba na nakasira ng pananim at (ikaapat) 800 rural banks ang nalugi dahil sa pagpapautang sa mga magsasaka habang ipinatutupad ang Masagana 99 noong 1973 hanggang 1978.

Pinatumba at pinatunayang mali ang una hanggang ikatlong argumento ni Domiguez ng mga taong naglunsad ng ‘sarili’ o ‘independent’ nilang pag-aaral tulad ng mga eksperto na sina Dr. Javier, Fernando Malveda ng Leads Agricultural Prodcuts Corporation, at Rosendo So ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) at Abono party-list.

Iyong tungkol sa utang ng mga magsasaka sa mga bangko ay ganito ang nangyari, ayon kay Javier: “Sadly, Masagana 99 proved to be short-lived and unsustainable mainly due to the costly subsidies and failure of many farmers-borrowers to repay the loans.”

Ani Javier: “At the peak of the program, in May 1974, Masagana 99 enrolled 531,000 borrowers (36 percent of 1.13 million small rice farmers). Repayment was at a respectable rate of 93 percent” batay sa nakatabing datos ng Technical Board for Agricultural Credit.

Patuloy niya: “By crop year 1980, after 14 cycles, the farmers-borrowers dwindled down to 54,000 as many run into arrears and were declared ineligible. Repayment went down to 46 percent. And as a consequence, many rural banks through which the loans were coursed folded up. By this period, Masagana 99 ceased to be of consequence as only 3.7 percent of the small rice farmers were able to borrow.”

Sa kabila nito, hindi kailanman hinusgahan ni Javier na mali at kontra-magsasaka ang Masagana 99.

Ang punto niya ay kailangang iwasto ang mga naging pagkukulang ng proyerkto ni Marcos, partikular sa usapin ng pautang sa mga magsasaka at paano ito mababayaran kapag muling naglunsad ng pang-agrikulturang proyekto si Pangulong Duterte na halaw sa Masagana 99.

(Tuluyang ‘ipinapatay’ ni Aquino ang Masagana 99)

SA pagdinig sa Senado nitong Mayo 20, hindi lang iginiit ni Secretary Domiguez ang konklusyon niyang palpak at lagpak ang Masagana 99, kundi ipinamukha at diniin ng kalihim na siya mismo ang tuluyang ‘tumapos’ sa kaligayahan ng mga magsasaka sa Masagana 99.

Inamin ni Domiguez na bilang kalihim ng DA noon ng pangulo ng bansa na si Corazon Cojuangco Aquino, tuluyang ‘ipinapatay’ ang Masagana 99.

‘Inayos’ umano niya ang pagkakautang ng mga magsasaka sa 800 panlalawigang bangko.

Ang hindi lang inamin ni Dominguez kay Senadora Imee Marcos at iba pang mga senador na nakikinig sa kanya ay ipinasa ni Aquino ang mga natitirang kawani ng Masagana 99 sa mga alkalde.

Naganap ito nang ipatupad ni Aquino ang Local Government Code of 1991.

Ayon kay Malveda, naging alalay o drayber ng mga alkalde ang mga kawani ng Masagana 99.

Ibig sabihin, hindi man lang binigyan ng maayos na trabaho nina Aquino at Dominguez upang patunayang higit na malaki ang kanilang malasakit sa mga ordinaryong tao kaysa kay Marcos.

(Pautang sa magsasaka mula kay Cory hanggang kay Duterte)

NOONG 1987, ipinasa ng Kongreso ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) upang bigyan ng legal na batayan at pundasyon ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang CARP ay “sentrong programa” ng administrasyong Cory Aquino.

Sa pamamagitan ng CARP, ipinamahagi sa mga magsasaka ang substansiyal na bilang ng mga lupaing pansakahan sa maraming panig ng bansa.

Ngunit, hindi isinama rito ang Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ng namayapang Pangulong Cory Aquino.

Sa udyok ng pamilya Cojuangco (hindi kasama ang pamilya ni Eduardo Cojuangco dahil bahagi ng mga may-ari ang huli ng nasabing asyenda), hindi pumayag si Aquino na ipasa ang 6,453 ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlac sa mga manggagawang bukid ng asyenda.

Layunin ng CARP na ipamahagi ang mga lupaing napakatagal nang sinasaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid.

Tiniyak ito ni Aquino, sapagkat alam niyang ang kawalan ng sariling lupa ang isa sa mga naging dahilan kung bakit maraming sumaping magsasaka at manggagawang bukid sa New People’s Army (NPA) simula nang itatag ito noong Marso 29, 1969 sa Tarlac.

Ngunit, hindi libre ang lupang ipinamahagi ng administrasyong Aquino sa mga magsasaka.

May bayad ito, dahilan upang pautangin ng Land Bank of the Philippines (LBP) ang mga magsasaka.

Nakarating kay Senador Ralph Recto na hanggang ngayong 2010 ay hindi pa nababayarang lahat ng mga magsasaka ang kanilang utang sa LBP.

Kaya, iyong binabanggit ni Dominguez na hindi pa nabayaran ng mga magsasaka ang kanilang inutang sa 800 rural banks hanggang napalitan ni Aquino si Marcos sa Malakanyang noong 1986 ay hindi lamang sakit ng ulo ng administrasyong Marcos, kundi ng lahat ng administrasyon hanggang sa kasalukuyan kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan kasapi uli ng Gabinete si Dominguez.

(Walang limitasyong importasyon ng bigas, solusyon ni Domiguez)

NANG muling dagukan ni Secretary Carlos Dominguez III ang Masagana 99 sa mismng pagdinig sa Senado nitong Mayo 20, inilantad ni Senadora Marcos ang totoong kulay ng kalihim sa ganitong mga pananalita: “What our country’s chief economic manager is really saying is that rice farmers are a pain in the budget and are not worth subsidizing. He has given up on our rice farmers ever regaining their export potential and will let unregulated rice importation do the dirty job of snuffing them out.”

“Shame on you, Secretary Dominguez, give the Filipino farmer some credit! When supported by sound government policy and defended against rampant importation, we can feed ourselves. Give the Filipino farmer a chance!,” birada ni Marcos sa kalihim.

Ang totoo, si Dominguez ay tagapagtanggol ng polisiyang “walang limitasyong importasyon ng bigas” upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagkakaroon ng bigas sa bansa na mababa ang presyo.

Sa kalatas ng Department of Finance (DOF) noong Nobyembre 13, 2019, idiniin ni Dominguez na “the government, under President Duterte’s decisive leadership, has finally broken the “stranglehold of inefficiency” in the domestic rice industry with the passage of the Rice Tariffication Law (RTL) that aims to “revolutionize” the agriculture sector and slash the retail cost of the staple for the benefit of over 100 million Filipino consumers.”

“We are confident that [RTL] is the best means to move our agriculture forward and foster competitiveness,” deklarasyon ni Dominguez sa Ika-11 World Rice Conference na ginanap sa isang hotel sa lungsod ng Makati.

Sa pamamagitan ng RTL, tuluy-tuloy ang pasok ng mga bigas mula sa Vietnam at Thailand, sapagkat ito ang polisiya at programa ng kasalukuyang rehimen.

Ang kakapusan ng bigas at mataas na presyo nito “is not the future of our agriculture,” wika ni Dominguez.

“We should let the Rice Tariffication Law do its work and give the economy time to adjust for further easing of rice prices for all Filipinos and for support programs to lower the production costs of our farmers,” patuloy ni Dominguez.

Ilang buwan na ang nakalilipas, naglabas ng Special Report ang Peryodiko Filipino Inc. (PFI) na sinulat din ng manunulat na ito kung saan ipinakita nitong dumausdos nang todo ang kita ng mga magsasaka, sapagkat sobrang baba ng presyo ng kanilang palay simula nang ipatupad ang RTL. NELSON S. BADILLA

143

Related posts

Leave a Comment