WALK-INS ‘WAG PAYAGAN SA BAKUNAHAN NG MINORS

0

NGAYONG nakatakda nang simulan ang pagpapabakuna ng mga menor de edad laban sa COVID-19 sa Oktubre 15, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na huwag pahintulutan ang “walk-in system” upang maiwasan ang pagkukumpol-kumpol sa vaccination sites.

Inihayag ni Gatchalian ang panawagang ito sa isang pagdinig sa pilot testing ng limited face-to-face classes. Tinalakay rin sa naturang pagdinig ang pagbabakuna ng mga menor de edad. Unang babakunahan ang mga kabataang may comorbidities at may edad labindalawa (12) hanggang labing-pito (17). Ang mga kabataang ito ay nabibilang sa Pediatric A3 category. Bibigyan din ng prayoridad ang mga anak ng healthcare workers.

“Ang mungkahi ko sa NTF ay huwag payagan ang first-come, first served walk-in na sistema,” ani Gatchalian.

“Hindi namin pinahihintulutan ang walk-in na sistema dahil talagang mag-iipon-ipon ang mga tao, lalo na ngayong wala tayong kasiguruhan sa panahon at maya’t maya ay umuulan. Huwag tayong magpatupad ng walk-in na sistema dahil magiging magulo ang pagbabakuna,” pahayag ng senador habang ibinabahagi ang halimbawa ng Valenzuela kung saan mahigpit na ipinatutupad ang mga schedule ng pagpapabakuna upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.

Ayon sa NTF, tinatayang may mahigit labindalawang (12.7) milyong mga kabataan na may edad na labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17). Paliwanag naman ng Department of Health (DOH), sampung (10) porsyento ng mga kabataang ito ang may tinatayang may comorbidities batay sa Global Burden of Disease.

Walong ospital ang naitalagang vaccination site para sa unang bahagi ng pediatric vaccination mula Oktubre 15-30. Kabilang sa mga ospital na ito ang National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center, Philippine General Hospital, Makati Medical Center, St. Luke’s Medical Center sa Taguig, at Philippine Children’s Medical Center.

Ang pagpapabakuna sa mga bata ay magsisimula sa mga may edad labing lima (15) hanggang labing-pito (17), kasunod ang mga batang may edad labindalawa (12) hanggang labing-apat.

“Napapanahon nang bakunahan natin ang ating mga menor de edad. Suportado rin natin ang pagbibigay prayoridad sa mga may comorbidities. Iniiwasan natin ang mga insidente kung saan pipila sila ng matagal sa walong mga ospital na ito. Kawawa naman ang mga bata sa ganung sitwasyon,” pahayag ni Gatchalian.

Sa kasalukuyan, may dalawang bakuna kontra COVID-19 ang aprubado ng Philippine Food and Drug Administration. Ang bakuna mula sa Pfizer-BioNTech ay aprubado para sa mga kabataang may edad labing dalawa (12) hanggang labing-lima (15). Samantala, ang Moderna COVID-19 vaccine ay maaaring gamitin sa mga may edad labing dalawa (12) hanggang labing-pito (17). (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment