“We don’t fuck with the people’s money” DUTERTE INUPAKAN SI DRILON

INUPAKAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Franklin Drilon dahil hindi nagustuhan ng lider ng bansa ang tabas ng dila ng mambabatas tungkol sa akusasyong korapsyon umano sa Department of Health (DOH) hinggil sa coronavirus disease-19 (COVID-19) testing kits at personal protective equipment (PPE).

“Itong si Sen. Drilon [ay nagsabi na] I want [to know] where the money went,” bigwas ni Duterte sa chairman ng Liberal Party (LP).

Patas na imbestigasyon

ANG tinutukoy ng pangulo ay ang panawagan ng senador kamakailan na magsagawa ng imbestigasyong “patas” at “walang kinikilingan” tungkol sa nababalita sa media na “overpriced” na COVID-19 testing kits at PPEs na binili ng DOH.

Ibinalita sa media, kabilang na ang Saksi Ngayon (Mga Balitang Totoo), na P1,800 ang halaga kada PPE na nabili sa isang kumpanyang pag-aari ng mga negosyanteng Chinese kumpara sa P400 bawat isa na mabibili sa kumpanyang pag-aari ng mga negosyanteng Filipino.

Hindi lang si Drilon ang pumuna sa sinasabing pinakabagong isyu ng korapsyon sa DOH sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Francisco Duque III, kundi maging sina Senador Leila de Lima at Senador Panfilo Lacson.

Kasapi ng LP si De Lima, samantalang parte ng mayorya si Lacson.

Ang LP na sikat din sa tawag na “dilawan” ay ang partido ng oposisyon.

P4-M na COVID-19 testing kits – Lacson

ANG totoong sumaltik sa sobrang napakamahal na presyo ng COVID-19 testing kit ay si Lacson.

Ani Lacson, nabili ng DOH ang testing kits ng P4 milyon, samantalang ang tunay na presyo nito ay P1.4 milyon lang.

Sa tatlong senador, ang panawagan ni Drilon ng patas at walang kinikilingang imbestigasyon ang nakapag-init nang husto sa ulo ni Duterte.

“I call for a fair and impartial investigation despite the President’s pronouncement,” panawagan ni Drilon nitong Martes makaarang akuin ni Duterte noong Lunes ang posibleng pananagutan ni Duque sa ‘korapsyong’ naganap sa pagbili ng DOH ng COVID-19 testing kits at PPEs.

Billions of taxpayers’ money – Drilon

“THESE are taxpayers’ money we’re talking about here – to the tune of billions of pesos getting wasted due to corruption or gross negligence,” giit ni Drilon.

Tirada ng pangulo kay Drilon: “Well, you will have the explanation and better believe it, because ‘yun ang totoo.

Hindi naman kami nambobola.”

“I said, sinabi ko, do not fuck with the people’s money with more reason that we will not fuck with the money,” birada ni Duterte kay Drilon.

Ang perang pinag-uusapan dito ay ang bahagi ng P275 bilyong pondong tinukoy sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act na gagamitin sa pamimigay ng ayudang pinansiyal sa 18 milyong pinakamahihirap na pamilyang Filipino, pagbili ng PPE at iba pang kagamitan upang labanan at sugpuin ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) at iba pa.

Ang napakataas na presyo ng PPE at ng iba pang kagamitan laban sa COVID-19 ay pangalawang kontrobersiyang nakasabit sa mga balikat ni Duque.

Dati nang pinagbibitiw si Duque

NITONG Abril, maraming senador ang nabanas sa pinaniniwalaan nilang mga kapalapakan ni Duque.

Kaya, naglabas ang labing apat na senador ng Senate Resolution No. 362 kung saan nanawagan sila kay Duque na magbitiw na ito sa pagiging kalihim ng DOH dahil sa nakitang “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency in performance.”

Sinalo ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go si Duque.

Si Go ay mahigit 20 taong naging ‘bata’ ni Duterte sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Davao.

Ipinagtanggol naman ni Duterte si Duque.

Muling uminit ang panawagang magbitiw si Duque sa kanyang tungkulin sa DOH o ang panawagan kay Duterte mismo na tanggalin na sa DOH ang kalihim nito.

Duque, ipinagtanggol sa akusasyong korapsyon

NITONG nakalipas na linggo, dinepensahan na naman ni Duterte si Duque sa ganitong pahayag: “’Wag ho kayo maniwala, ako na ‘yung nagsasabi sa inyo. ‘Yung mga test-test, ‘yung sabi nila they drag the name of Secretary Duque, hindi ho totoo ‘yun. Ang nagbili nu’n [ay] ang [Department of] Budget, pati ‘yung Office of the President (OP) mismo.”

Si Secretary Wendel Avisado ang hepe ng DBM.

Nilinaw ng pangulo na “Itong mga bidder na ito who offered a lower price, never participated in the bidding at ngayon matapos na ‘yun ang nagrereklamo offering a lower price hoping that you would ignore the bidding and go for their price.”

Bullshit na tao

“IT just so happened that we have some [na] talagang bullshit na mga tao at kayo maniniwala agad, you better wait for the official report. At least for respeto, a little respect… kasi sinadya ko yan,” patuloy na paliwanag ng pangulo sa kanyang pagliligtas kay Duque.

Tila si Drilon ang pinasasaringan ng pangulo.

Idiniin pa ni Duterte na ang lalabas na ulat hinggil sa pagbili ng PPE at COVID-19 testing kit ay “the stand of the Office of the President.”

Kahit nagalit si Duterte kay Drilon, hindi nangangahulugang tuluyang lusot si Duque sa panibagong akusasyon ng korapsyon sa DOH.

Maliban sa isasagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Health “in aid of legislation,” nagsasagawa rin ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at ang Department of Justice (DOJ), sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI), hinggil sa napakatataas na presyo ng COVID-19 testing kits at PPEs. NELSON S. BADILLA

81

Related posts

Leave a Comment