(NI LILY REYES)
PATULOY na binabayaran ng Philippine Insurance Corporation (Philhealth) ang umano’y obligasyon sa kontrobersiyal na Wellmed Dialysis Center sa kabila ng maanomalyang paniningil ng mga ito gamit ang mga pekeng pirma ng mga pasyente.
Sa panayam, tiniyak din ni Ex-General Ricardo ‘Dick’ Morales, bagong presidente ng Philippine Insurance Corporation (PhilHealth), na babayaran ang mga ospital na akredito ng Department of Health (DOH) gayundin ang pagpapatuloy ng operasyon ng government insurance agency.
Ayon kay Morales, aabot sa P129 bilyon ang nakalaang pondo ng PhilHealth sa loob ng 10 taon kung saan mababayaran ang lahat ng pagkakautang sa mga ospital at responsibilidad sa mga opisyal, empleyado at mga miyembro ng PhilHealth.
Sinabi naman ng legal counsel na si Atty. Jojo Del Rosario, na inimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tauhan na isinangkot sa katiwalian, pati ang mga opisyal at may –ari ng WellMed dahil sa ghost dialysis isyu.
Una nang inaresto sa Novaliches noong nakalipas na Hunyo 11, 2019 si Christopher Sy ng WellMed Dialysis Center hinggil sa isinumiteng claims ng pasyenteng matagal ng patay.
Nabatid pa na sa kabila na suspendido ang WellMed ay tumatanggap pa rin ito ng bayad mula sa PhilHealth.
Nakasaad sa report na tatlong ospital sa Southern Philippines ang ipinasara muna habang iniimbesigahan at pinagmulta ng kabuuang P5.2 milyon.
Inihayag din ni Morales na magiging digital na ang transaction ng PhilHealth sa pamamagitan ng Smart at ang pangunahing layunin ay ang mapabilis ang serbisyo sa mahihirap na pasyente.
Sa mga napaulat na may ‘bigfish’ umano sa likod ng katiwalian ng ahensiya ay mariin namang sinabi ni Morales, na sinisiyasat pa ng kanyang mga opisyal ang nasabing isyu.
Idinagdag pa ni Morales na malakas ang koneksiyon at may kapasidad ang mga sangkot sa katiwalian, subalit ang mga ito ay tukoy na.
Magkakaroon ng pulong ang mga opisyal ng PhilHealth at Department of Health kaugnay sa Universal Health Care sa mga susunod na araw.
142