(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINDI na napigilan ni Senate Majority Leader Migz Zubiri ang kanyang matinding pagkadismaya sa problema ng coco farmers o mga magniniyog sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng kanilang produkto.
Sa budget hearing ng Department of Energy sa Senado, iniungkat ni Zubiri ang hindi pa rin naipatutupad na Biofuels Act of 2006 para sa promosyon ng paggamit ng biofuel sa mga sasakyan.
Sinabi ni Zubiri na layon ng naturang batas na tulungan ang coco farmers na magkaroon ng panibagong market sa kanilang mga produkto subalit hanggang ngayon aniya ay hindi pa rin ito napakikinabangan.
“Baby ko yan eh, biodiesel is my baby, I can claim it. That was supposed to help two industries, the copra and sugar industry,” saad ni Zubiri.
Sa hearing, personal na hinikayat ni Zubiri si Energy Secretary Alfonso Cusi na gawan na ng paraan na maipatupad na ang programa upang matulungan ang mga coco farmers na ngayon ay nakararanas na ng pagkalugi.
Subalit iginiit nito na hindi dapat ibigay sa iilang processor lamang ng biodiesel ang kontrata upang hindi maabuso.
“‘Wag ibigay sa apat o lima lang na processor kasi sila na naman ang yayaman yung mga magsasaka naka-cartelize na naman yan. They buy it low, sell it high. Talagang nabubuwisit ako sa mga yan. P****g i** nila. Totoo lang ginagaya ko na si Mayor Tatay Digong, inis na ako, and then the farmers, holy cow they can’t even afford a carabao,” diin ni Zubiri.
Tila hinamon pa nito si Cusi na kung maayos na maipatutupad ang batas ay ito na ang kanyang pipiliing Pangulo ng bansa.
“Kapag ginawa mo yan, Sec, hero ka. Ikaw na Presidente ko. I will campaign for you as President,” saad ni Zubiri.
“We have to think out of the box kasi naawa ako sa mga magsasaka natin. Before, we were the Coco King, now tinalo na tayo ng Sri Lanka,” diin pa nito.
139