WALA nang makukuhang impormasyon ang mga awtoridad sa posibleng pagkakakilanlan ng mastermind sa kontrobersyal na Percy Lapid slay case nang magbaril umano sa sarili ang sinasabing kasabwat sa kalagitnaan ng isinasagawang law enforcement operation sa Batangas.
Kinilala ang sinasabing kasabwat bilang si Jake Mendoza, alyas Orly, 40, na nangungupahan sa isang kuwarto kasama ang kanyang pamilya sa Lipa City, Batangas.
Sa inisyal na ulat ay sinasabing nagpakamatay si Mendoza, kasabwat ng gunman sa pagpatay sa broadcaster na si Lapid. Si Mendoza ay nakulong na noong 2020 sa kasong ilegal na droga.
Sinisilbihan ito ng arrest warrant nang magkulong sa banyo.
Ayon kay National Capital Region Police Director Jose Nartatez Jr., nagbaril sa sarili ang suspek sa harap ng negotiator at pinsan nito.
Sa umpisa ay nagmatigas umanong sumuko ang suspek sa kalagitnaan ng raid kaya nagpaputok ang operatiba.
Sa katunayan, ani Nartatez, hinostage pa nito ang kanyang live-in partner at anak. Pero sa huli ay pumunta raw ito sa banyo at binaril ang sarili.
Ayon sa pulisya, si Mendoza ang kausap ng sumukong gunman na si Joel Escorial hinggil sa planong pagpatay kay Lapid at malaking tulong sana ang testimonya nito sa pag-usad ng kaso.
Magugunitang namatay rin ang jail officer na kapwa akusado ni dating BuCor Chief Gerald Bantag sa pagpatay kay Lapid.
Ayon sa PNP, walang foul play sa pagkamatay ni Ricardo Zulueta na akusado sa pagpatay kay Percy Lapid, at base umano sa medical certificate nito ay nasawi siya sanhi ng pagdurugo sa ulo. (JESSE KABEL RUIZ)
71