10-ANYOS TINANGAY NG ALON SA BATANGAS BEACH RESORT

BATANGAS – Nawawala ang isang 10-anyos na batang lalaki matapos na matangay ng malalaking alon habang naliligo sa beach resort sa Barangay Nonong Casto, sa bayan ng Lemery sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Mark Ruzzel Talavera.

Batay sa report ng Lemery police, dakong alas-9:40 noong Martes umaga nang mawala ang biktima habang naliligo sa dalampasigan ng La Familia Gate 1 Beach Resort.

Naglalakad umano ang biktima sa mababaw na bahagi ng baybaying-dagat kasama ang ilang kaibigan nang bigla ang mga itong mapadako sa malalim na bahagi.

Tuluyang lumubog ang biktima sa tubig samantalang nailigtas naman ang mga kasama nito.

Pilit pa itong sinagip ng isa sa mga lifeguard subalit dahil sa malalaking alon ay nabigo itong mailigtas ang biktima na tuluyang tinangay papalayo ng malakas na agos ng tubig.

Patuloy pa ang isinasagawang search and retrieval operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at MDRRMO sa biktima. (NILOU DEL CARMEN)

153

Related posts

Leave a Comment