NADISKUBRE ng mga sundalo ng 33rd Infantry Battalion ang 11 high-powered firearms matapos umanong abandonahin ng armadong kalalakihan sa hangganan ng Barangay Pimbalakan at Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon kay Lt. Col. Udgie Villan, Commanding Officer ng 33IB, habang nagsasagawa sila ng pulong-pulong sa Barangay Gymnasium ng Tukanalipao ng nasabing munisipyo.
“Agad tayong nagsagawa ng hakbang matapos maibigay sa atin ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga iniwang armas mula sa grupo ni Zainodin Kiaro para makaiwas sa tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng joint law enforcement operation,” ayon kay Lt. Col. Villan.
Kinabibilangan ito ng tatlong cal. 30 sniper rifle, dalawang grenade launcher, dalawang M16A1 rifle, isang cal. 50 sniper rifle, isang cal. 30 garand rifle, isang M14 rifle at isang cal. 30 carbine M1.
Aabot na ngayon sa 73 loose firearms ang nakumpiska mula sa Joint Army-PNP Law Enforcement Operation simula noong nakaraang linggo. (JESSE KABEL RUIZ)
51