INIUTOS ni Philippine National Police chief Gen. Archie Francisco Gamboa na isailalim sa restrictive custody ang labing isang pulis ng San Jose Del Monte, Bulacan na sangkot sa pekeng buy bust
operation.
Kasunod ito ng administrative relief laban sa mga pulis sa pangunguna ni Police Major Leo Commendador dela Rosa, mga tauhan nito na sina Police Staff Sergeants Benjie Enconado, Jayson
Legaspi, Irwin Yuson, Edmund Catubay Jr.; Police Corporals Jay Leoncio, Herbert Hernandez, Raymond Bayan, Raul Malgapo; at Patrolmen Erwin Sabido at Rusco Madla na sinampahan na ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ).
Siniguro naman ni Gamboa ang buong kooperasyon at suporta ng PNP sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa mas malalim na imbestigasyon sa nabanggit na mga pulis na pawang
miyembro ng City Drug Enforcement Unit ng San Jose Del Monte City Police Station.
Lumitaw na pineke ng grupo ang report sa buy bust operation kung saan anim ang sinasabing namatay sa engkwentro.
Una nang sinabi ng Bulacan police na mga suspek sa droga ang anim na nasawi dahil sa palitan ng putok matapos magtangkang tumakas. (ANNIE PINEDA)
48