BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Special Task Force (NBI-STF) ang 12 Chinese nationals dahil sa umano’y online scam, at pag-atake at pagdetine sa isang indibidwal na tumangging magtrabaho bilang scammer.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang biktima ay naghain ng reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, serious physical injuries at serious illegal detention laban sa mga suspek.
Base sa ulat ng NBI, pinilit umano ng mga suspek ang complainant na magtrabaho bilang online scammer sa isang gusali sa Maynila. Sinasaktan at binubogbog umano ito kapag tumatanggi.
Dagdag pa ng complainant, humingi ang mga suspek sa kanyang pamilya ng halagang P500,000 kapalit ng kanyang kalayaan.
Nang makapagbayad umano ang kanyang pamilya ng P300,000 ay pinakawalan siya ngunit binantaan na papatayin kapag nagsumbong sa mga awtoridad.
Nakipag-ugnayan naman ang NBI-STF sa Manila Police District at agad nagsagawa ng operasyon noong Agosto 6 na nagresulta sa pagkakadakip sa 12 Chinese nationals.
Apat sa mga ito ang positibong itinuro ng complainant kabilang ang isang umano’y nanakit sa kanya.
Iniharap na sa inquest proceedings ang mga suspek para sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act. (RENE CRISOSTOMO)
74