CAVITE – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang lalaki na kumaladkad at sumaksak sa isang 17-anyos na estudyante habang papasok sa eskuwelahan sa Gen. Trias City noong Miyerkoles ng umaga.
Nilalapatan ng lunas sa Gen. Trias Doctor’s Hospital ang biktimang 17-anyos na estudyante, ng Brgy. Buenavista 1, Gen. Trias City, Cavite, dahil sa saksak sa katawan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, naglalakad ang biktima bandang alas-5:45 ng umaga sa Sitio Ipilan, Brgy. Buenavista 1, Gen. Trias City papasok sa eskuwelahan nang hatakin ng suspek at kaladkarin sa madamong bahagi sa gilid ng kalsada.
Nanlaban ang biktima at nagsisigaw sa paghingi ng saklolo dahilan upang maalarma ang suspek kaya pinagsasaksak nito ang estudyante saka tumakbo palayo.
Isang concerned citizen naman ang tumulong sa biktima at isinugod sa ospital. (SIGFRED ADSUARA)
79