LAGUNA – Umabot sa 17 katao ang isinugod sa ospital nang makaramdam ng iba’t ibang mga sintomas matapos makalanghap ng nag-leak na chemical substance mula sa junkshop sa South Point, Brgy. Banaybanay, Cabuyao City sa lalawigan noong Martes ng hapon.
Ayon sa Cabuyao CDRRMO, nakaramdam ng pagkahilo at nahirapang huminga ang mga biktima matapos na sumingaw ang kemikal kaya agad isinugod sa iba’t ibang ospital.
Base sa report, nagsasagawa ng general cleaning ang mga tauhan ng Izbanda scrap trading at inililipat ng lugar ang isang 4 feet na cylinder tank nang bigla itong sumingaw at lumabas ang yellowish-green na kemikal na may masangsang na amoy.
Agad lumayo ang mga trabahador at ang iba pang mga malapit sa lugar subalit nakaramdam pa rin ng mga sintomas ang mga ito.
Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng BFP, kasama ang Cabuyao City PNP, CDRRMO, responder group na ALERT, Banaybanay Fire Brigade, CENRO, OBO at POSO, at napigil ang pagkalat ng kemikal at agad ding na-secure ang area.
Hinihinala ng mga awtoridad na chlorine based substance ang sumingaw na kemikal.
Nasa maayos nang kondisyon ang mga biktima habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
92