PATAY ang dalawang lalaki habang sugatan ang apat na pulis sa nangyaring engkwentro sa Tondo, Maynila noong Huwebes ng gabi.
Ito’y matapos umano manlaban ng mga suspek sa mga awtoridad na magsisilbi ng warrant of arrest.
Ayon sa Manila Police District (MPD), pinuntahan ng mga awtoridad ang isang bahay sa Balut, Tondo para sa target na si alyas “RJ” na nahaharap sa kasong murder.
Ngunit imbes na sumuko sa mga pulis, mabilis itong tumakbo paakyat ng bahay at tumalon sa bubong ng kapitbahay.
Sa puntong ito, nagsimulang magpaputok ng baril ang suspek kasama ang isang lalaki na kinilalang si alyas “Macmac.”
Bunsod nito, tinamaan sa katawan sina Police Major Emmark Dave Apostol, Police Corporal Keith Valdez, at Police Corporal Emil Omolon.
Habang nasugatan naman sa kaliwang kamay si Police Lieutenant Colonel John Guiagi na mismong Officer-in-Charge ng District Intelligence Division ng MPD at ang namuno sa operasyon.
Nakaganti naman ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.
Isa umano sa mga ito ay naghagis pa ng granada ngunit masuwerteng hindi ito sumabog.
Napag-alaman na ang target ay sangkot sa ilang pamamaril sa lungsod kung saan ang pinakahuli ay nito lamang nakaraang buwan.
Iniimbestigahan ng mga pulis kung posibleng onsehan sa ilegal na droga ang dahilan ng pagpatay ng target.
Nabatid din na bukod sa gun for hire, sangkot din umano ang mga napatay na lalaki sa kalakalan ng ilegal na droga.
Samantala, inaresto naman sa operasyon ang isang babae na sinasabing nobya ng target.
Sasampahan ito ng reklamong ‘obstruction of justice’ matapos i-lock ang pinto ng kanyang bahay kung saan isisilbi sana ang warrant of arrest.
Ayon sa kanya, dalawang linggo pa lang niyang kasintahan ang target at hindi niya alam ang mga ilegal na aktibidad nito. (RENE CRISOSTOMO)
115