2 pa sugatan LALAKI, 9-ANYOS PATAY SA PAMAMARIL

patay

PATAY ang isang 30-anyos na lalaki at isang 9-anyos bata habang sugatan ang dalawa pang biktima makaraang pagbabarilin sa Navotas City noong Biyernes ng gabi.

Bangkay na nang idating sa Navotas City Hospital si Jhomarie Flores, 30, at ang 9-anyos na bata, habang sugatan sina Gerardo Garcia, 30, at Cerina Dela Cruz, 28, na inilipat sa Tondo Medical Center.

Ayon sa ulat, nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima, sa #29 Bagong Kalsada St., Brgy. Tangos South, dakong alas-8:00 ng gabi, kasama ang testigong si Crissalyn Tud, 29, at naghahanda ng mga pagkaing paninda sa kanilang food stall, nang paulanan ng bala ng dalawang lalaki.

Ayon kay Tud, isa sa mga suspek ang nakasuot ng puting t-shirt, itim na baseball cap at maong na pantalon, ang sumungaw sa kanilang bintana at nagsimulang magpaputok, habang ang isa namang suspek nakaasul na t-shirt, lila na cap at maong na pantalon, ay sa harap ng kanilang pintuan nagpaputok.

Si Garcia, ay nakatayo sa tabi ng bahay ng kanyang kapitbahay nang mahagip ng bala habang pinalad namang hindi nasapul si Tud.

Nakuha ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pitong basyo ng bala at dalawang tingga mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa crime scene.

Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga suspek sa insidente. (ALAIN AJERO)

13

Related posts

Leave a Comment