2 pulis Mabalacat tinadtad ng bala, patay

Hindi bababa sa limang armadong suspek ang walang habas na pinagbabaril ang dalawang pulis na naka-assign sa Mabalacat Police Station sa Pampanga habang nagsasagawa ng anti-illegal drugs operation.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-3:40 ng madaling-araw ngayong Sabado, limang armadong suspek na naka-bonnet at sakay ng motorsiklo ang pinaulanan ng bala ang mga biktima na noo’y nagsasagawa ng drug operation sa Barangay Dau sa nasabing lugar.

Kinilala ang mga biktima na sina Senior Master Sgt. Sofronio Capitle Jr. at Staff Sgt. Dominador Gacusan Jr., kapwa nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Mabalacat PNP.

Samantala, agad na inatasan ni Police Regional Office 3 (PRO3) director BGen Cesar Pasiwen si Pampanga police director Col Levi Basilio na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng pagkakapaslang sa dalawang pulis para sa agarang pagresolba ng kaso at upang mabigyan agad ng hustisya ang mga biktima.

Aniya, hindi titigil ang kapulisan hanggat hindi nananagot ang mga salarin sa krimen.

“No stone will be left unturned and authorities are exerting all efforts for the swift justice of the slain cops,” wika ni Pasiwen. (ELOISA SILVERIO)

204

Related posts

Leave a Comment