2 SIGA SA TONDO BAGSAK SA SELDA

WALANG kawala sa magsanib na puwersa ng District Investigation Division, Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) at mga tauhan ng Raxabago Police Station ang dalawang siga-siga umano sa kanilang lugar sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng gabi.

Hindi na nakaalpas sa mga awtoridad ang mga suspek na sina Jefferson Tumbaga, 19, at Jimboy Cocolio, 30-anyos.

Sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID- SMaRT, bandang 11:00 ng gabi nang arestuhin ang mga suspek sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Jacinto St., Tondo base sa impormasyon ng isang impormante.

Nauna rito, bandang alas-6 ng gabi nang mamataan si Tumbaga na armado ng baril.

Agad nakipag-ugnayan ang grupo ni Major Samonte kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., commander ng MPD- Raxabago Police Station kaya inatasan ng huli ang mga tauhan na miyembro ng Station Tactical Motorized Rider’s Unit (TMRU) para maaresto ang mga suspek.

Nakumpiska kay Tumbaga ang isang kalibre 38 pistola habang si Cocolio ay nahulihan ng improvised shotgun o “sumpak”.

Ayon kay Samonte, nag-viral ang mga suspek sa social media nang i-post ng isang vlogger noong October 27 ang video kung saan makikitang inaakyat ng mga ito ang truck na dumaraan sa Mel Lopez Boulevard, dating Road 10 sa Tondo.

Dito na sila natukoy na kabilang sa mga tinaguriang ‘Jumper boys’ na inirereklamo ng mga truck driver dahil sa kanilang pagnanakaw.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act).

Naniniwala naman si Major Samonte na nababawasan na ang mga perwisyo sa lugar dahil na rin sa direktiba ni MPD – Police Brigadier General Andre Perez Dizon na sugpuin ang masasamang elemento sa kanyang nasasakupan. (RENE CRISOSTOMO)

26

Related posts

Leave a Comment