DALAWA sa apat na mga suspek ang nadakip sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng District Investigation Division II ng Special Mayor’s Reaction Team (DID 2-SMaRT) ng Manila Police District, at nakumpiskahan ng mahigit P600,000 halaga ng pekeng sigarilyo sa panulukan ng Onyx at Zobel Streets, San Andres Bukid, Manila.
Kinilala ang nadakip na mga suspek na sina alyas “Ryan”, 40, at Kurt Rancid, 20, kapwa residente ng San Andres, Bukid.
Samantala, dalawa pang target ng operasyon ang naka-eskapo makaraang tumalon sa bintana.
Ayon sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID-2 SMaRT, bandang ala-1:30 ng hapon, nang ilatag ang entrapment operation sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek.
Nag-ugat ang operasyon ng pulisya sa pagdulog ng isang isang Troy Salonga, kinatawan ng ITP- External Affair- PMFTC, hinggil sa bentahan ng pekeng sigarilyo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 155 in relation to Section 170 ng Republic Act 8293, o Intellectual Property Code of the Philippines (Selling and Transporting of Suspected Fake or Counterfeit Cigarettes), at RA 7394 (Consumer Act of the Philippines).
(RENE CRISOSTOMO)
258