2 TIRADOR NG KABLE NASILO SA MAYNILA

ARESTADO ang dalawang lalaki nang maaktuhan habang pumuputol ng kawad ng kuryente na pag-aari ng lokal na pamahalaan, sa center island sa pagitan ng Pedro Gil at Malvar Streets, Taft Avenue, Manila noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga nadakip na sina Octhuart Culaban, 34 , binata, construction worker at residente ng Quezon City, at Jeffrey Ocampo, 29, binata, jobless, ng Paco, Manila.

Ayon kay Police Major Edward Samonte, hepe ng District Investigation Division- 2, Special Mayor’s Reaction Team ng Manila Police District, bandang alas-9:40 ng gabi nang maaktuhan ng dalawang electrician na sina Romeo Sta. Ines, 50, at Junly Relly, 31, kapwa kawani ng Manila City Engineering’s Office, habang pinuputol ng mga suspek ang kawad ng kuryente.

Bunsod nito, agad na humingi ng tulong ang dalawa sa mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang pulang standard size na kawad na 11 metro ang haba na nagkakahalagang P77,000, at kawad ng kuryente na 8 metro ang haba na P560 ang halaga. Nakumpiska rin sa mga suspek ang pamutol ng kawad na pliers.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 308 (theft) ng Revised Penal Code. (RENE CRISOSTOMO)

205

Related posts

Leave a Comment