2022 target collection NAHAGIP NA, LUMABIS PA!

Ni JO CALIM

HINDI pa man natatapos ang taong 2022, hinigitan pa ng Bureau of Customs (BOC) ang itinakdang P721.52-billion 2022 revenue collection target.

Sa datos ng BOC Financial Service Office, lumalabas na umabot na sa P745.50 billion – o labis ng P23.98 billion (katumbas ng 3.27% surplus) ang kabuuang kita ng ahensya mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumasok at lumabas na kargamento mula Enero hanggang Nobyembre 11 ng kasalukuyang taon.

Base sa talaan ng nasabing tanggapan, wala maski isa sa 17 district collection offices sa ilalim ng nasabing kawanihan ang pumalya sa kani-kanilang target revenue collection sa nakalipas na mga buwan – bagay na lubos na ikinalugod ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Para kay Ruiz, malaking bentahe ang ipinamalas na sigasig ng 17 distritong nakasungkit ng kabuuang halaga P103.29 billion (katumbas ng 16.8% surplus) “as of October 31”– ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng ahensyang nilikha noong taong 1902.

Sa pinag-isang pahayag naman ng 17 BOC district collection offices, kumbinsido sila sa husay, dedikasyon at katapatan ng itinalagang komis­yoner ng kawanihang dati lamang tanyag sa malawakang katiwalian.

Tugon naman ni Ruiz, dapat pag-ibayuhin pa ang pagsisikap ng ahensya upang maisakatuparan ang direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kasabay ng panawagan para sa mahigpit na implementasyon ng mga priority programs kabilang ang pagtugis sa mga smuggler at tiwaling tauhan ng kawanihan, ang pag-arangkada ng revenue collection na pantustos sa mga makabuluhang programa at proyekto ng pamahalaan at pagpapaunlad ng kalakalan.

15

Related posts

Leave a Comment