25-TAON KULONG SA MAMBABATO NG SASAKYAN

SA hangaring maiwasan ang kabi-kabilang aksidente sa mga pangunahing lansangan, isang panukala ang inihain sa Kamara – 25-taong sentensya sa mga mapapatunayan nambato ng mga tumatakbong sasakyan.

Sa inihaing House Bill 6262 na inakda ni Ilocos Norte Rep. Rudy Caesar Fariñas, target nitong bigyang proteksyon ang mga motoristang aniya’y karaniwang nabibiktima ng mga taong walang magawa.

Para kay Farinas, lubhang peligroso ang pambabato ng mga umaandar na sasakyan batay sa mga nakalap na impormasyon kung saan lumalabas na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga motoristang nasawi dahil sa aksidenteng dulot ng pambabato sa kani-kanilang sasakyan.

“This bill seeks to protect the public from the harmful actions of persons responsible for throwing stones or other similar hard objects which may tend to obstruct or impede the vision of a vehicle driver,” paliwanag ng mambabatas sa isinumiteng panukala.

Bukod sa 25 taong pagkabilanggo, nakatakda rin magmulta ng hindi bababa sa P100,000 ang hinatulang “guilty” ng mga husgado – kesehodang namatay o nasaktan ang motorista, pasahero o maging pedestrian.

Mas magaan nanam ang panukalang hatol sakaling walang nasaktan sa aksidente – P10,000 multa at ang gastusin sa pagkukumpuni ng pinuntiryang sasakyan.
Kung motorista naman ang lalabas na nambato, kakanselahin din ang lisensya sa pagmamaneho.

“After all, those criminally liable for this offense should not have the privilege of driving our roads and highways.” (BERNARD TAGUINOD)

42

Related posts

Leave a Comment