3 KILABOT NA MANDURUKOT TIMBOG SA MAYNILA

ASAHAN ang pagbaba ng insidente ng pandurukot sa lungsod ng Maynila, ayon sa Manila Police District (MPD) matapos masilat ang tatlong tinaguriang kilabot na mandurukot sa Quiapo at Sampaloc.

Ayon kay MPD – Barbosa Station 14 commander Lt. Col. Roberto Mupas, timbog sa magkakahiwalay na operasyon kontra dorobo ang mga suspek na kinilalang sina Olivia Zialcita, Jhing Rose Carlos at Luisa Cabigting.

Sa rekord ng pulisya, unang dinakma si Zialcita matapos maghain ng reklamo ang isang estudyante ng Far Eastern University (FEU). Kwento ng hindi pinangalanang biktima, nag-aabang siya ng masasakyan sa panulukan ng Recto Avenue at Nicanor Reyes St nang dukutin ng suspek sa kanyang bulsa ang isang IPhone Rose Gold.

Sumunod naman nahagip si Carlos na inireklamo ng isang FEU student na dinukutan umano ng cellphone sa P. Campa St, ilang metro ang layo sa España Boulevard sa Sampaloc, Maynila.

Arestado rin si Cabigting na di umano’y nandukot ng Samsung A11 cellphone sa isa pang FEU student sa kahabaan ng España Boulevard. (RENE CRISOSTOMO)

151

Related posts

Leave a Comment