4 BATA PATAY SA SALPOK NG TRUCK SA KOLONG-KOLONG

PAMPANGA – Patay ang apat na batang magkakapatid makaraang salpukin ng isang truck ang sinasakyan nilang kolong-kolong sa Porac-Angeles Road, sa Brgy. Manibaug Pasig, sa bayan ng Porac, sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Porac Municipal Police Station, pasado alas-10:00 ng gabi nang mabangga ng kasunod nilang forward truck ang kolong-kolong na sinasakyan ng mga biktima at minamaneho ng kanilang ama.

Pauwi sa kanilang bahay ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, nakahinto ang kolong -kolong at patawid sa highway nang araruhin ng humaharurot na truck mula sa kanilang likuran.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima sa kabilang lane at nasagasaan naman ng kasalubong na dump truck.

Dead on the spot ang isa sa mga bata habang isinugod sa ospital ang tatlo pa gayundin ang kanilang ama, subalit magkakasunod ding binawian ng buhay ang magkakapatid noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang mga bata na sina Geoft, 10; Fhae Lyn, 8, John Edmon, 6, at Jefferson Canlapan, 2-anyos.

Tanging ang 30-anyos na ama ng mga bata na nagmamaneho sa kolong-kolong, ang nakaligtas sa aksidente ngunit sugatan din.

Nahaharap sa kasong 4 counts ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang driver ng forward truck na nakabangga sa sinasakyang kolong-kolong ng mga biktima.

Nanawagan naman ng tulong ang pamilya para sa mga gastusin sa pagpapalibing sa mga biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

199

Related posts

Leave a Comment