5-DAY EXTENSION NG ECQ INIREKOMENDA NG METRO MAYORS

NAGKAKAISA ang mga alkalde sa kalakhang Maynila na palawigin pa ng labinlimang araw ang pinaiiral na enhanced community quarantine.

Ito ang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority kaugnay sa naging pagpupulong metro mayors nitong Sabado.

Kasabay nito ay pinabulaanan ng ahensiya ang mga naglabasang social media post hinggil sa umano’y naging resulta ng botohan ng Metro Manila mayors kaugnay ng rekomendasyon nila sa pagtatapos ng quarantine period sa NCR.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, totoong nagkaroon ng virtual meeting ang metro mayors para talakayin ang kanilang mga rekomendasyon at “unanimously”  ay nirekomenda nila ang tatlong quarantine measures habang papalapit ang pagtatapos ng pinaiiral na region-wide lockdown sa darating na May 15, 2020.

“Hindi po accurate iyon. Pinaiimbestigahan nga ni chairman (Bgen Danny Lim) kanino nagmula,” ani Garcia sa isang panayam kaugnay sa lumabas na impormasyon sa social media patungkol sa umano’y botohan ng mga mayor.

“100 percent nakahanda ang ating mayors. Wala pong tamang decision, walang perfect na decision, whatever decision na gagawin, may maaapektuhan po,” ani Garcia sa nasabing panayam.

Nabatid na inirekomenda sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng mga alkalde ang: Palawigin pa ang kasalukuyang lockdown period ng 15-araw matapos ang May 15 deadline; Magpatupad ng general community quarantine (GCQ) kung saan ay papayagan ang ilang negosyo na mag-operate at payagan ang ilang public transport na makabiyahe at magpairal ng GCQ sa Kalakhang Maynila kung saan ay maaaring magpatupad ang local governments ng lockdown sa mga barangay na may mataas na bilang ng COVID-19 cases. JESSE KABEL

68

Related posts

Leave a Comment