5 PATAY, 8 SUGATAN SA SALPUKAN NG MULTICAB AT VAN SA LEYTE

LEYTE – Limang magkakapamilya ang namatay habang walong iba pa ang sugatan matapos na salpukin ng pampasaherong van ang isang multicab sa national highway sa Brgy. Guindapunan, sa bayan ng Palo sa lalawigang ito, noong Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa Palo Police, ang namatay na mga biktima ay pawang pasahero ng muticab na noon ay patungo sa kanilang chapel sa bayan ng Palo dakong alas-5:45 ng madaling araw .

Kabilang sa mga namatay ang isang babae na kinilalang si Rochelle Idara Daroy, at ang dalawang menor de edad na anak nito na sina Vince Daroy, 16, at Angel Daroy.

Dalawa pang pasahero ng multicab na kinilala sa mga pangalang Cristina at Mario, 33, ay binawian din ng buhay.

Ayon sa report, dead on arrival sa ospital sina Vince at Mario, habang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan noong Huwebes ng gabi ang tatlong babae.

Ang walong sugatan, isa mula sa multicab, at pitong sakay ng van, ay agad namang isinugod sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City para sa kaukulang lunas.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Tacloban City ang multicab na mimaneho ni Dario Daroy, 56, at may limang sakay, na patungo sa Palo, Leyte, nang makasalpukan nito ang kasalubong na pampasaherong van.

Mula sa highway ay kakaliwa sana ang multicab at paparada sa harap ng chapel nang masalpok ito sa kanang tagiliran ng humaharurot na van.

Dumanas ng grabeng pinsala ang mga sakay ng multicab na ikinamatay ng lima sa anim na pasahero nito.

Ikinustodiya naman ng Palo Police ang driver ng van na si Reynaldo Porlas Jr., 42, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to property.

(NILOU DEL CARMEN)

226

Related posts

Leave a Comment