5 TERORISTA PATAY SA PHIL. ARMY

LIMANG umano’y mga terorista ang napaslang sa inilunsad na magkakahiwalay na focused military operation ng Armed Forces of the Philippine  na nagresulta rin sa pagsuko ng 29 supporters ng mga rebelde, ayon kay Col. Jorry Baclor, AFP Information Office chief, kahapon.

Ayon kay Col. Baclor, dalawang Communist NPA Terrorists (CNTs), dalawang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at isang Abu Sayyaf bandit ang kanilang na-neyutralisa nitong nagdaang linggo.

Patay ang isang kasapi ng NPA sa sagupaan ng Philippine Army 78th Infantry Battalion  at siyam na  CNTs sa Barangay  San Andres, Borongan City, Eastern Samar, at nakasamsam ang mga sundalo ng anti-personnel mine na ipinagbabawal ng International Humanitarian Law, bukod sa iba pang war materiel mula sa mga tumatakas na NPA.

Sumunod na napatay ng mga elemento ng 5th Special Forces Battalion sa ilalim ng 1st Mechanized Brigade, ang isang Marin Min Faym, NPA leader, sa matapos ang ikinasang operasyon sa Brgy. Laconon, T’Boli, South Cotabato.

Kinabukasan, napaslang naman ng military ang Bangsamori Islamic Freedom Fighter leader na si Abdulkarem Lumbatan Hasem at isang tauhan nito nang matunton sila ng Joint Task Force Central sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Nang sumunod na araw, isang kasapi ng Abu Sayyaf Terrorist Group ang napaslang makaraang makasagupa ang mga operatiba ng Army’s 111th Division Reconnaissance Company at 32nd Infantry Battalion sa Barangay Kabbon Takas, Patikul, Sulu.

Samantala, nasa 29 supporters ng communist terrorist groups na naging biktima ng communist ideology, ang sumuko sa government forces, bitbit ang kanilang mga armas sa 1st Brigade Combat Team, Philippine Army sa Barangay Pigcalagan sa Sultan Kudarat. (JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment