MAKARAAN ang mahigit dalawang araw na palutang-lutang sa karagatan, nasagip ang anim na mangingisda na nasiraan ng bangka sa pagitan ng Quezon Province at Burias Island sa Masbate noong Miyerkoles.
Ayon sa Philippine Coast Guard Sub-Station sa Romblon, dakong alas-3:00 ng hapon nang masaklolohan ng mga kapwa mangingisda mula sa Brgy. Bagacay, Romblon, ang mga mangingisda at natulungan na mahila papunta sa dalampasigan ang kanilang nasirang sasakyang dagat.
Ayon sa mga mangingisda, ala-1:00 noong Linggo ng hapon nang sila ay pumalaot mula sa Brgy. Casay, San Francisco, Quezon sakay ng motorboat para mangisda sa karagatan malapit sa San Pascual, Masbate.
Subalit noong Lunes ng madaling araw ay nasira ang makina ng bangka at nagpalutang-lutang na lamang sila sa laot sa loob ng 54 na oras, bago nadaanan at nasagip ng mga kapwa mangingisda na mga taga Romblon.
Nasa ligtas nang kalagayan ngayon ang nasabing mga mangingisda.
Samantala, tatlong magkakaanak naman ang nailigtas ng mga tauhan ng MDRRMO at Philippine Coast Guard matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatan ng Calayan, Cagayan noong Martes ng umaga.
Ayon sa PCG, galing ang mag-anak sa bayan ng Claveria sa mainland Cagayan at pauwi na sa isla nang mabutas ang kanilang bangka makaraang bumangga sa isang nakalutang na troso.
Bunsod nito, pinasok ng tubig ang bangka at lumubog.
Isa sa mga sakay ang nakahingi ng saklolo sa pamamagitan ng cellphone sa kanilang kamag-anak na siyang tumawag sa coast guard station.
Na-rescue ang mga ito dakong alas-3:00 ng hapon at nadala sa kanilang lugar.
Hindi naman narekober na ang kanilang sinasakyang bangka na tuluyan nang nawasak at lumubog.
(NILOU DEL CARMEN)
212